Maliliit na empleyado ng ABS-CBN ang kawawa sa pagsasara
Dalawang taon na ring pinag-uusapan sa mga pasilyo ng ABS-CBN Broadcasting Corporation ang tungkol sa renewal ng prangkisa ng network ngayong Marso, 2020.
Kasabay sa pagpasok ng Pebrero, habang papalapit ang petsa sa talakayan ng Kongreso, ang dating usapan lamang, ngayon ay naungusan ng takot, partikular ng mga manggagawa na pinakamaaapektuhan sa papalapit na kapalaran o ang katapusan.
Napapaisip lang tayo sa dami ng tao na maaapektuhan — libu-libong kabuhayan ang guguho sakaling mag-off-the-air bigla ang istasyon.
Kapag nawalan sila ng trabaho, paano na ang kani-kanilang pangarap sa buhay? Saan sila kukuha ng pera na pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya? Paano na ang mga mahal sa buhay na sa kanila lamang umaasa?
Para sa kaalaman ng pangulo at mga mambabatas, ilan sa mga empleyado o talent ang may inaalagaan at sinusuportahang miyembro ng pamilya o kamag-anak na may sakit. Hindi iniinda ng mga ito ang pagod at sakit ng katawan kung abutin man sila ng mahabang oras o maghapong pagtatrabaho para lamang may pangmatrikula ang kanilang kapatid o anak.
Kaya kung sakaling magsarado bigla ang network, ano ang mangyayari sa kanila?
Ito ang dahilan kung bakit marami sa mga empleyado at artista ng ABS-CBN ang nagsusumamo ngayon sa mga kinauukulan. Hindi ito para sa boss o sinumang may mataas na posisyon sa network kundi para sa mga maliliit na taong walang kalaban-laban. Ang pamahalaan o ang Lehislatura ay dapat kumakatawan sa maliliit na tao — sa lahat ng mga botante.





Comments