Health team kada barangay kontra nCoV — DILG
- V. Reyes
- Feb 3, 2020
- 1 min read

Inatasan na ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang mga opisyal ng bawat barangay sa bansa na bumuo ng health emergency response teams (BHERT) upang mabilis na makatugon sa outbreak ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease.
Ayon kay Año, ang mga nCoV response team ang inaatasang magbabahay-bahay o bibisita sa mga umuuwing pasahero mula sa mga bansang apektado ng nCoV outbreak.
Sila rin ang maglilista ng mga taong nakasalumuha ng mga biyahero. Idinagdag pa ng kalihim na inaatasan din ang naturang health team na obligahing magpakuha ng temperatura araw-araw, sa umaga at hapon sa loob ng 14-araw na quarantine na nasa ilalim ng 14-day home quarantine.
Binigyang-diin ng DILG chief na mahalagang maging maagap sa paghahanda ngayon upang hindi na umabot sa mga komunidad ang pagkalat ng Wuhan coronavirus.
Itatalaga ng mga kapitan ng barangay ang BHERT na bubuuin ng isang executive officer, barangay tanod at dalawang barangay health workers.
Kailangang kumpleto ng mga kagamitan tulad ng protective gear, surgical gown, googles, masks at gloves ang mga miyembro ng BHERT.
Kapag may na-monitor ang BHERT na mga indibidwal na may mga sintomas ng nCoV, agad na magkakaroon ng isolation, bibigyan ng N95 masks bago dalhin sa ospital.





Comments