ASF, hindi pa tapos, nCoV, umatake na
- Editoryal
- Feb 3, 2020
- 1 min read
Hindi pa pala tapos ang problema sa African Swine Fever (ASF), medyo nasapawan lang ng 2019 novel coronavirus - acute respiratory disease.
Ngayon ay pinagana na ng Office of Civil Defense (OCD), partikular sa Davao Region ang Regional Animal Disease Task Force.
Kasunod ito ng pagkamatay ng 1,000 baboy mula sa walong barangay sa Davao Occidental matapos tamaan ng sakit na ASF. Kaugnay nito, isinagawa ang 24/7 animal quarantine checkpoints bilang temporary lockdown.
Napag-alaman na nakarating na sa Mindanao ang ASF, ilang buwan matapos ideklara ang outbreak sa Luzon. Matatandaang, unang nakumpirma ang ASF sa Pilipinas noong Hulyo 2019.
Nangangahulugan ito na hindi pa pala tapos ang laban sa ASF at hindi ito dapat mapabayaan habang nakatutok sa nCoV.
‘Ika nga, when it rains, it pours. Nakalulungkot na kasisimula pa lang ng 2020 ay sunud-sunod na ang mga pagsubok, pero hindi ito dahilan para madismaya tayo kundi magsilbi sana itong hamon na magkaroon tayo ng malinaw na pag-iisip kung paano masosolusyunan ang lahat ng ito.
Marami nang kalamidad, trahedya at epidemya ang dumating sa bansa at sa buong mundo, hindi naman tayo sumuko at patuloy ang pagtuklas sa mga paraan at lunas.
Meron tayong gobyerno na magsisilbing tagapaalala na lahat ay ginagawan ng paraan at meron tayong mga dalubhasa na magpapatunay na may solusyon at pangontra.
Ang kailangan lang nating gawin ay magtiwala kasabay ang pakikiisa. Higit sa lahat, huwag magpasaway dahil buhay na ng tao at ibang nilalang ang nakasalalay.





Comments