Pumangkat si IM Dimakiling sa UAE chess; Matutina sa Top 3
- Eddie M. Paez, Jr.
- Feb 2, 2020
- 1 min read

Hinugutan ni 11th seed at International Master Oliver Dimakiling ng kabuuang 2 puntos ang 3 mga grandmasters upang maisumite ang anim na puntos at mapabilang sa malaking pangkat ng 3rd placers sa pagtatapos ng 2020 Fujairah Endurance Blitz Category 1 Chess Tournament sa United Arab Emirates. Pasok naman ang Pinoy na si Marc Matutina sa top 3 sa pagsasara ng bakbakan sa Category 2 ng naturang paligsahang isinaayos ng Fujairah Chess and Culture Club.
Samantala, nanalasa rin si untitled Dandel Fernandez ng Pilipinas sa 8th Abu Dhabi Classic Chess Tournament matapos nitong masikwat ang pangalawang puwesto tangay ang walong puntos mula sa siyam na salang sa chess board.
Dinaig ni Dimakiling noong round 3 si GM Alexander Moiseenko ng Ukraine bago niya kinunan ng tigka-kalahating puntos sina Egyptian GM Bassem Amin (round 6) at Polish GM Kacper Piorun (round 7). Nakapuntos din siya kontra kina IM Hameed Abdul El Arousy (Egypt, round 2), FIDE Master Oran Al Hosani (UAE, round 9), Rocky Pabalan (Philippines, round 4), Kader Abdul Rayes (Syria, round 1).
Bagamat dumulas si Dimakiling sa pang-5 puwesto nang lapatan ang panuntunan sa tiebreak, inaasahang tataas ng 11.2 points ang kanyang 2436 na FIDE rating matapos makapagtala ng 2461 na performance rating.
Samantala, susulong na ang Jocelyn P. Castañeda Chess Cup 2020 sa Pebrero 8 sa Mariveles People’s Park sa Bataan. Mga tropeo, medalya at gantimpalang salapi ang naghihintay sa mga papasok sa winners’ circle ng non-masters at kiddies’ U12 na pangkat. Mayroon ding naghihintay na special prizes para sa mangungunang lady chesser, senior at PWD at iyong mga taga-Mariveles mismo.





Comments