Parusa sa mga magdi-discriminate sa may HIV
- Persida Acosta
- Feb 2, 2020
- 3 min read
Ang acquired immune deficiency syndrome (AIDS) ay kondisyong inilalarawan ng kombinasyon ng palatandaan at sintomas ng human immunodeficiency virus (HIV) na nakuha ng indibidwal mula sa ibang tao. Ito ay umaatake at pinahihina ang naturalesa ng katawan (immune system) na sanhi kaya nagkakaroon ng matitinding impeksiyon sa taong mayroon nito na kalaunan ay maaaring maging sanhi ng kanyang kamatayan.
Dahil sa dumarami ang mga bilang ng mamamayang mayroong ganitong uri ng kondisyon sa kalusugan ay minarapat ng Kongreso na magpasa ng batas na naglalayon upang palawigin ang kaalaman ng karamihan kung ano ang dahilan at kung paano naipapasa at mapipigilan ang pagkahawa sa kondisyong ito sa pamamagitan ng komprehensibong pagpapalaganap ng impormasyon mula sa estado.
Ang kampanyang ito ay magpapaunlad ng value formation na ang focus ay nasa pamilya bilang basic social unit at isasagawa ito sa lahat ng paaralan, training centers, lugar na pinagtatrabahuhan (workplace) at sa komunidad. Ang batas na ito ay Republic Act No. 8504 o mas kilala sa titulong “Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998.”
Nakasaad sa Section 2 ng nabanggit na batas ang mga sumusunod:
“(b) The State shall extend to every person suspected or known to be infected with HIV/AIDS full protection of his/her human rights and civil liberties. Towards this end:
(1) Compulsory HIV testing shall be considered unlawful unless otherwise provided in this Act;
(2) The right to privacy of individuals with HIV shall be guaranteed;
(3) Discrimination, in all its forms and subtleties, against individuals with HIV or persons perceived or suspected of having HIV shall be considered inimical to individual and national interest and
(4) Provision of basic health and social services for individuals with HIV shall be assured.
(c) The State shall promote utmost safety and universal precautions in practices and procedures that carry the risk of HIV transmission.
(d) The State shall positively address and seek to eradicate conditions that aggravate the spread of HIV infection, including but not limited to, poverty, gender inequality, prostitution, marginalization, drug abuse and ignorance.
(e) The State shall recognize the potential role of affected individuals in propagating vital information and educational messages about HIV/AIDS and shall utilize their experience to warn the public about the disease.”
Makikita natin mula sa mga probisyong ito na ang sinumang mayroong AIDS ay hindi dapat makaranas ng diskriminasyon dahil mayroon silang ganitong uri ng karamdaman.
Sa halip na diskriminasyon ay gagawin silang kabahagi ng pagpapalaganap ng mga mahahalagang impormasyon para maibahagi ang kanilang karanasan nang sa gayun ay makatulong na mabigyang-babala ang ibang mamamayan kung ano ang AIDS at kung papaano maiiwasan ang pagkahawa at pagkalaganap nito.
Ang sapilitang HIV testing bilang kondisyon para makapasok sa trabaho, eskuwelahan, makapanahan, makapasok at manatili sa isang bansa, makabiyahe sa ibang lugar, probisyon para sa medical service at iba pang uri ng serbisyo ay itinuturing na labag sa batas (Section 16, Id.).
May mga pagkakataon lamang kung saan hinihimok ng estado ang boluntaryong pagpapasuri ng indibidwal na mayroong mataas na banta na maaaring magkaroon ng HIV kung mayroong informed consent ang taong mayroon nito o mga magulang, tagapangalaga ng menor-de-edad na mayroong HIV. Itinuturing na mayroong legal na pagsang-ayon para sa HIV testing para sa ibinigay na katawang tao, organ, tissue o dugo kapag:
a) Ang tao ay boluntaryo at malayang nagbigay ng kanyang dugo, organ o tissue para sa pagsasalin, pag-aaral o transplant;
b) Ang tao ay nagsagawa ng legacy ayon sa Section 3 ng Republic Act (R.A.) No. 7170 (Organ Donation Act of 1991);
c) Ang tao ay nagbigay ng donasyon sa ilalim ng Section 4 ng R.A. No. 7170. (Section 15, Id.).
Ang lahat ng health professionals, medical instructors, workers, employers, recruitment agencies, insurance companies, data encoders at iba pang may hawak ng medical records, file, data o test results ay inaatasang obserbahan ang strict confidentiality sa paghawak ng lahat ng impormasyong medikal, partikular ang katauhan, pagkakakilanlan at estado ng taong mayroong HIV (Section 30, Id.).
Ang sinumang gagawa ng diskriminasyon laban sa mamamayang mayroong HIV ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo ng mula anim (6) na buwan hanggang apat (4) na taon at magbayad ng multa na hindi hihigit sa P10,000. Bilang karagdagan, ang mga permit at lisensiya ng mga eskuwelahan, ospital at iba pang institusyong mapatutunayang nagsagawa ng diskriminasyon laban sa HIV positive at lumabag sa iba pang polisiya sa ilalim ng batas ay babawiin. (Section 42, Id.)





Comments