‘Wag maniwala sa fake news, nCoV, wala pa ring gamot
- Ryan B. Sison
- Feb 2, 2020
- 2 min read

“There’s no known treatment for the coronavirus,” ito ang nilinaw ni Dr. Eric Domingo, DOH undersecretary, matapos kumalat sa social media ang mga post na may gamot na raw sa 2019 novel coronavirus (nCoV).
Ayon sa Department of Health (DOH), walang katotohanan ang mga ito kaya hindi dapat paniwalaan.
Kabilang sa mga tinutukoy na post ng ahensiya ay ang pag-inom ng bleach bilang pangontra sa nCoV. Paalala ng DOH, nakalalason at nakamamatay ang bleach kaya hindi ito dapat sundin.
Gayundin, may post na nagsasabing nagpapagaling ng nCoV ang pag-inom ng isang mangkok ng tubig mula sa tinadtad at pinakuluang bawang.
Bagama’t, may benepisyo ang bawang, nilinaw ng mga eksperto na wala pang gamot na nagagawa bilang panlaban sa naturang virus.
Samantala, viral din ang lalaki mula sa Hong Kong na nagsabing puwedeng ma-disinfect sa pamamagitan ng steamer ang mga disposable at single-use na face mask para magamit ulit.
Giit ng DOH, hindi rin ito totoo, gayundin, hindi na dapat gamitin ulit ang mga disposable face mask dahil puno na ito ng mga organismo na maaaring magdulot ng sakit.
Naiintindihan nating marami ang natatakot na madapuan ng sakit na ito, pero sana, sa halip na maniwala agad sa mga kumakalat na posts sa socmed, manigurado muna tayo.
Mabuting itsek ang website ng ahensiya (https://www.doh.gov.ph/2019-nCov) para sa mga lehitimong update tungkol sa nCoV.
Sa mga ganitong pagkakataon, lamang ang may alam kaya dapat maging matalino tayo sa paggamit ng internet, lalo na sa social media.
Hindi porke maraming nagse-share o nagko-comment, dapat na itong paniwalaan.
Minsan, ‘yung akala nating makatutulong ay makasasama pala.
Kaya panawagan natin sa lahat, maglaan tayo ng oras para mag-isip at manigurado para hindi mapahamak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments