Gomez, may tsansa sa korona ng Derby City
- Eddie M. Paez Jr.
- Feb 1, 2020
- 1 min read

Walang kryptonite na gumambala sa beteranong manunumbok ng Pilipinas na si Roberto “Superman” Gomez at ngayon ay kabilang na siya sa apat na kataong may tsansa pa para maangkin ang korona ng 2020 Derby City Classic (DCC) One Pocket sa Elizabeth, Indiana.
Tiklop kay Gomez, tubong Zamboanga, sina Dennis “Robocop” Orcullo, Gary Abood, Josh Lewis, Clay Carmen, Kyle Ferguson, Marc Vidal, Paul Smith Jr. at Grant Kendall.
Ibig sabihin ay nasa tamang landas pa ang mga Pinoy sa taunang pagpaparamdam ng tikas sa prestihiysong kaganapan.
Ilang araw pa lang ang nakararaan, nagwagi sa 9-Ball Banks si dating World 8-Ball King Orcullo samantalang si dating World Straightpool champion Lee Van Corteza ay naging segunda rin sa Bigfoot 10-Ball Challenge.
Taong 2018 at 2019 nang magkampeon sa One Pocket si Francisco “Django” Bustamante. Naging Master of the Table din ang pambato ng Tarlac noong 2018 habang si Gomez ang nanguna sa 2018 Bigfoot 10-Ball.
Tatlong taon na ang nakararaan nang maging Master of the Table winner at 9-Ball champion si Orcullo samantalang si Bustamante ay namayagpag sa 9-Ball Banks.
Si World Pool Billiards Association no. 7 Alex Pagulayan naman ang nangaldag sa One Pocket at sa overall race sa loob ng dalawang magkasunod na taon (2015-2016).
Noong 2014, nahablot ni Billiards Congress of America Hall of Famer Efren “Bata” Reyes ang titulo ng One Pocket at naging Master of the Table at 9-Ball Banks titlist ang tubong Bislig, Sorsogon na si Orcullo.





Comments