top of page
TALKIES - MARIEL, PROUD NA TRUE FRIENDS SINA TONI, RUFFA, MARJORIE AT CAMILLE VILLAR_IG _m

Coronavirus nasa Pilipinas na, bayan muna bago kita

  • Ryan B. Sison
  • Feb 1, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

“It took just 6 hrs. to ship badly needed Philippine made face masks (1.4M$) to Wuhan, China 4 use vs. coronavirus. I got the humanitarian request as PRC CEO at 12 midnight, called Mimel Talusan & BOC staff to help ship the humanitarian cargo within 6 hrs this AM. Bravo! PRC & BOC teamwork.”

Ito ang tweet ni Senator Richard “Dick” Gordon noong Enero 26, 2020 na nag-viral at umani ng negatibong reaksiyon sa mga netizen mula nang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng 2019 novel coronavirus (nCoV) sa bansa.

Hindi napigilang magalit at maglabas ng opinyon ng mga netizen, gayundin, kinuwestiyon pa ang pagbebenta ng face mask sa China kesa ipamigay sa mga nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Anila, kung sino pa ‘yung mga pinakaapektado ng pagsabog ay sila pa ang walang magamit — ‘yung iba ay sinasamantala pa at may ilan namang dumidiskarte para lang maprotektahan ang kalusugan, habang ang gobyerno natin ay kumikita mula sa ibang bansa.

Samantala, matapos ang kumpirmasyon ng DOH hinggil sa pagpasok ng nCoV sa bansa, nagdagsaan ang ating mga kababayan sa mga botika at pamilihan para bumili ng face masks.

May ilang namakyaw para hindi maubusan ng magagamit at may ilan namang wala nang inabutan dahil nagkaubusan.

Dahil walang mabili, may mga netizen tuloy na hindi napigilang mag-post at manawagan sa gobyerno.

Siguro naman ay sapat nang dahilan ang pagkakaroon ng naturang sakit sa bansa para tayo naman ang unahin ng gobyerno.

Ayon sa mga eksperto, mas madaling tamaan ng virus ang matatanda, may sakit at may mahinang resistensiya kaya malamang, kabilang na rito ang mga nasa laylayan ng lipunan na hindi kayang bumili ng mask, masustansiyang pagkain at bitaminang nakatutulong para lumakas ang katawan.

Hindi rin natin masisisi ang taumbayan kung bakit mas marami ang natatakot na dapuan ng sakit.

Gawin sanang prayoridad ang kalusugan at kaligtasan nating lahat. ‘Yung tipong sabay-sabay nating labanan at lagpasan ang hamon na ito.

Imbes na makipagnegosasyon, baka naman puwedeng isantabi muna ang relasyon sa ibang bansa at ibigay muna ang proteksiyon ng inyong mamamayan?

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page