Binalaan, ‘pag nagmatigas, demanda ang haharapin… Nadine, hanggang 2029 pa nakatali sa Viva
- Janice DS Navida
- Feb 1, 2020
- 2 min read

Naglabas na ng bagong official statement ang Viva Artists Agency kahapon (January 31) bilang sagot sa unang statement ng kampo ni Nadine Lustre na inilabas ng Kapunan & Castillo Law Firm nu’ng January 27, kung saan ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Lorna Kapunan ay hindi na talent ng VAA ang ex-GF ni James Reid.
Isa sa mga akusasyon ng kampo ni Nadine kaya ginusto nitong kumawala sa Viva ang diumano’y pagte-take advantage ng talent agency sa mga maliliit at baguhang artista.
Sinagot ito ng VAA sa pamamagitan ng legal group na Reyno Tiu Domingo & Santos at anila, “This is not a David versus Goliath scenario as portrayed by Atty. Kapunan. This matter is about respect — respect for the law, respect for contractual commitments, and good faith in professional relationships.”
Nakasaad din sa statement ng Viva na may pinirmahang kontrata sa kanila si Nadine nu’ng 2009 na may basbas ng parents ng aktres at hanggang 2029 ang pagiging ‘exclusive contract star’ nito sa kanila.
At dahil nakatali nga sa kanila si Nadine hanggang 2029, binalaan ng VAA ang aktres at ang sinumang gustong kumuha rito bilang talent na may kakaharaping kaso sakaling ipilit ng mga ito ang taliwas sa pinirmahang kontrata ni Nadine.
Kaya naman marami ang nalulungkot sa napipintong kahinatnan ng career ng aktres. Paano pa raw ito makakagawa ng project sa iba nang walang basbas ng Viva? At dahil nga kinalaban niya ang kanyang management agency, eh, malamang talagang buruhin na ang kanyang career.
Ang masakit pa nito, bukod sa pinagdaraanan ngayon ni Nadine sa kanyang love life at career, may mga netizens pang namba-bash sa kanya na masyado raw lumaki ang ulo nila ni James Reid at wala silang utang na loob pagkatapos pasikatin ng Viva kaya imbes magpasalamat, eh, kinalaban pa niya ito.
Hay! Sino kaya ang ‘nagmagaling’ na adviser ni Nadine at hindi muna nag-esep-esep bago isinakatuparan ang pag-alis ng aktres sa Viva?





Comments