Sekyu na galing NCR, hindi mababago ang suweldo kahit ilipat sa probinsiya
- Persida Acosta
- Jan 31, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Halos limang taon na akong security guard na kasalukuyang nakadestino sa Pasig City. Kamakailan, nakatanggap ako ng Duty Detail Order mula sa aking agency at ililipat daw ako sa Antipolo, Rizal. Wala namang problema dahil kailangan ko ng trabaho pero ang sabi ng nakausap ko sa agency ay mababawasan daw ang aking suweldo dahil mas mababa ang minimum wage rate ng Region IV-A kaysa NCR. Totoo ba ‘yun? - Andres
Dear Andres, Para sa inyong kaalaman, ang minimum wage rates ng bawat rehiyon ay itinatakda ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB). Kaugnay nito, inilahad ng Article 99 ng Labor Code of the Philippines ang sumusunod:
Art. 99. Regional Minimum Wages. – The minimum wage rates for agricultural and non-agricultural employees and workers in each and every region of the country shall be those prescribed by the Regional Tripartite Wages and Productivity Boards. (As amended by Republic Act No. 6727, otherwise known as “Wage Rationalization Act”).
Base sa nakasaad, ang minimum wage na dapat matanggap ng empleyado ay nakadepende sa lugar o rehiyon kung saan siya nagtatrabaho.
Subalit, ayon sa Section 11, Rule II ng Rules Implementing Wage Order No. NCR-19, kapag ang empleyado ay ililipat sa rehiyon kung saan mas mababa ang minimum wage rate, siya ay dapat pa ring bayaran ng minimum wage rate na kanyang natatanggap sang-ayon sa rehiyon na kanyang pinagtatrabahuhan bago siya ilipat. Samakatwid:
Section 11. Transfer of Personnel. The transfer of personnel to areas outside the REGION shall not be a valid ground for the reduction of the wage rates being enjoyed by the workers prior to such transfer. The workers transferred to other regions with higher wage rates shall be entitled to the minimum wage rates applicable therein.
Base sa nabanggit na probisyon, malinaw na hindi maaaring bawasan ng ahensiya ang inyong suweldo kung kayo ay kanilang ililipat sa ibang rehiyon. Dahil kayo ay nakatatanggap ng suweldo sang-ayon sa minimum wage rate sa National Capital Region (NCR), ito pa rin ang dapat ninyong matanggap kapag kayo ay inilipat sa Antipolo.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments