Kampeon sa DCC 9-Ball Banks, ang angas talaga ni Orcullo

Nasaksihan na naman ang angas na nagbigay sa batikang Pinoy cue artist na si Dennis “Robocop” Orcullo ng hindi na mabilang na mga korona matapos siyang umakyat sa trono ng 2020 Derby City Classic (DCC) 9-Ball Banks na hindi man lang nagalusan sa Elizabeth, Indiana.
Hindi umubra ang mga “masasamang loob” kontra sa Robocop ng billiards at walang habas nitong dinurog sina Evan Lunda, Billy Thorpe, World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 Shane Van Boening, Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer Alex Pagulayan, Scotland pride at Bigfoot 10-Ball Challenge king Jayson Shaw, Tim De Ruyter, Shannon Murphy, Zorren James Aranas, Billy Young, Jeremy Jones, David Adams, Mieszko Fortunski, Gary Urinoski at Kenny Wilson para sa kampeonatong nagkakahalaga ng $16,000.
Ang mga Amerikanong sina Lunda at Thorpe ang nakakuha ng pangalawa at pangatlong puwesto sa likod ni Orcullo ayon sa pagkakasunod-sunod habang pumang-apat si Pagulayan.
Ito na ang pangalawang titulo ng tubong Bislig, Sorsogon na manunumbok ngayong Enero dahil kamakailan lang ay inangkin niya ang unang puwesto sa Music City Midnight Madness na bakbakan. Bukod dito, buwan ng Disyembre nang isabit kay Orcullo ang gintong medalya sa Southeast Asian Games 10-Ball event sa Maynila.
Taong 2014 pa nang huling napanalunan ng Pinoy ang 9-Ball Banks na event bagamat, dalawang beses na siyang itinanghal na overall winner o yung tinatawag na DCC Master of the Table. At dahil na rin sa panalo sa 9-Ball Banks, si Orcullo na ang may hawak ng trangko sa karera para sa 2020 Master of the Table dala ang 160 puntos na rekord.





Comments