Ateneo HS, nakabawi pinadapa ang Warriors

Photo: THE UAAP
Bumawi ang Ateneo de Manila High School sa natamong kabiguan sa University of the East noong first round matapos padapain ang huli, 78-54, sa UAAP Season 82 Boys Basketball Tournament sa Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.
Nagtala si Jynno Ladimo ng 21-puntos at 10-rebounds upang pamunuan ang Blue Eaglets sa ikatlong sunod nilang panalo na nagtaas sa kanila sa solidong ikatlong puwesto taglay ang markang 7-5, panalo-talo.
Nakabalikat ni Ladimo sina Lebron Lopez at Josh Lazaro na tumapos na may 13 puntos, 4 na rebounds, 2 blocks at 2 steals at 11 puntos, 18 rebounds, 3 assists at 2 blocks ayon sa pagkakasunod. “Yun talaga ‘yung naging mindset namin today - atonement. In the first round, we took UE lightly and lost,” pahayag ni Ateneo head coach Reggie Varilla.
Sa iba pang laban, tinalo ng Nazareth School of NU ang UST, 77-66.
Umiskor si Gerry Abadiano ng18 puntos upang pamunuan ang Bullpups sa ika-12 sunod na panalo na nagbaba sa Tiger Cubs sa ika-4 na puwesto hawak ang patas na barahang 6-6, kasalo ng Adamson na nauna ng nagwagi sa UP Integrated School, 81-70.
Sa isa pang laban, tumatag ang FEU-Diliman sa ikalawang puwesto matapos padapain ang De La Salle Zobel, 65-46. Ang panalo ang ika-11 sunod ng Baby Tamaraws matapos mabigo sa unang laro kontra NU habang nanatili na winless ang Junior Maroons matapos ang 12 laro.





Comments