top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Mga kontrobersiyal na kontrata isalang sa kongreso

  • Mylene Alfonso
  • Jan 30, 2020
  • 2 min read

Kongreso at hindi Malacañang ang dapat magrebyu sa mga sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘onerous contracts’.

Ito ang inihayag kahapon ng liderato ng militanteng grupong Bayan Muna kasabay ng panawagan sa Pangulo na huwag ibigay sa kanyang kaibigan ang pamamahala ng malawak na lupain sa Batangas na ginagamit ng Chevron Philippines bilang gas depot.

Ang pahayag ay ginawa ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares matapos tukuyin ni Finance Sec. Carlos Dominguez III ang ‘onerous contract’ na pinasok umano ng National Development Co (NDC) sa Chevron Philippines (Caltex) para sa lease contract ng 120 hektaryang lupain ng Batangas Land Co Inc (BLCI) sa Batangas City na ginagamit ng kumpanya bilang kanilang main depot.

Ayon kay Dominguez, P0.74 per square meter ang renta ng Chevron sa lupain sa loob ng 50 taon na dapat ay P17.90 per square meter. Sa loob ng 44 taon ay P146.51-M lamang o P3-M kada taon ang naibayad ng Chevron sa renta sa lupain at kung titingnan aniya ang halaga ng lupain sa kasalukuyang merkado ay aabot na ito sa P4.9-B hanggang P5.3-B kaya ang renta rito ay dapat umabot ng P257.76-M kada taon.

Iginiit ni Colmenares na kung ‘onerous’ ang kontrata na pinasok ng Chevron ay dapat itama subalit, ang kanilang mahigpit na tututulan ay ang nais ng pamahalaan na marekober ang Batangas property para ibigay naman ito sa mga crony ni Pangulong Duterte.

Una nang lumutang ang pangalan ng Davao-based businessman na si Uy na interesado sa Batangas property. Si Uy ang siya ring nagmamay-ari ng 45% share ng Malampaya Gas sa Palawan matapos nitong bilhin ang shares ng Chevron.

Sa panig ng Chevron Philippines, nanindigan ito na hind ‘onerous’ bagkus ay naaayon sa batas ang kanilang rental agreement sa NDC at BLCI.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page