Mga batang may special needs at PWDs, “wanted” para mabigyan ng regular na edukasyon

Nakatakda ang early registration o maagang pagpaparehistro sa ika-1 ng Pebrero ng mga mag-aaral ng Kindergarten, Grades 1, 7 at 11 sa mga pampubliko at pribadong elementarya at high school para sa nalalapit na School Year 2020-2021.
Bilang chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado, hinihimok natin ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang paghahanap nito sa mga out-of-school youth and children para makilala kung sinu-sino sila, lalo na ang mga nasa malalayong lugar.
Nais nating bigyan-diin ang kahalagahan ng pagpunta ng mga kawani ng DepEd sa mga malalayong lugar upang matukoy ang mga out-of-school youth and children na hindi na pumapasok sa paaralan ngunit, hangad na makabalik at muling makapag-aral.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 3, series of 2018 o ang Basic Education Enrollment Policy, kinakailangang mahanap at maiparehistro ang kabataang matatagpuan sa mga malalayong lugar, ‘yung mga nasa komunidad na apektado ng mga kalamidad at pati na ng ilegal na droga.
Layon din ng maagang pagpaparehistro na hanapin ang kabataang may kakulangan sa nutrisyon, may malalang sakit, may kapansanan, naninirahan sa kalsada at dumanas ng pang-aabuso.
Naniniwala ang inyong lingkod na kung nais nating papasukin sa eskuwela ang mas maraming kabataang nasa mahirap na kalagayan at nasa liblib at malalayong lugar, kinakailangan natin silang puntahan.
At kung nahanap na natin sila, hindi lang mapadadali ang proseso ng kanilang pagpaparehistro, mas makukumbinse rin natin sila na bumalik sa pag-aaral.
Bukod pa rito, dapat ding ipatupad nang mabuti ng DepEd ang mga programa nitong tulad ng ‘Child Find’ na naglalayong mahanap ang kabataang may kapansanan o special needs sa pamamagitan ng family mapping survey, advocacy campaigns at pakikipag-ugnayan sa mga local health worker.
Sa nakaraang pagdinig natin sa Senado tungkol sa inclusive education, napag-alaman nating mabagal pala ang pagpapatupad ng ‘Child Find’ o ang Inclusive Education as Strategy for Increasing Participation Rate of Children (DepEd DO No. 72, series of 2009) sa ating bansa.
At siyempre, dahil binibigyan ng karagdagang atensiyon ang mga batang may special needs at persons with disabilities (PWDs), hindi rin dapat mahuli ang pagpapatupad ng Inclusive Education Learning Resource Centers sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng pagkakaroon nito, matutulungang matugunan ang kanilang mga pangangailangan upang makasabay sa sistema ng regular na paaralan, pribado man o publiko nang sa gayun ay matanggap din nila ang parehong pag-aaruga, atensiyon at gabay tulad ng nakukuha ng mga batang walang special needs o nasa regular school set-up.
Hangad nating mapabuti ang edukasyon ng lahat ng mga mag-aaral anuman ang kanilang katayuan o hadlang na mayroon sila sa buhay. Sana ay magkaisa at magtulung-tulong tayo na makamit ito para sa kinabukasan ng bawat kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments