top of page

Ang pinagmulan ng Valentine's Day

  • Twincle Esquierdo
  • Jan 30, 2020
  • 2 min read

Dahil tapos na nating i-celebrate ang Pasko at Bagong Taon, kasunod naman nating ipagdiriwang ang Valentine’s Day at siguradong mapupuno na naman ng mga magkakarelasyon ang mga pasyalan tulad ng mga parke, mall at restoran para mag-date, gayundin, may mga dala silang chocolates, flowers, teddy bears, greeting cards at kung anu-ano pa.

Tuwing sumasapit ang Valentine’s Day, sanay na tayong nakakakita ng mga ganitong eksena dahil isa ito sa mga pagpapakita ng pagpapahalaga sa taong mahal natin. Ngunit, alam ba natin kung saan ito nagsimula?

Sa Finland, tinatawag nila itong Friends’ Day dahil mas pinahahalagahan nila ang kanilang pagkakaibigan kaysa sa romantikong pag-ibig o relasyon.

Tinatawag naman na Saint Valentine’s Day ang Araw ng mga Puso na ipinagdiriwang tuwing ika-14 ng Pebrero. Nagsimula ito sa araw ng kapistahan sa Western Christian dahil binibigyang-parangal nila ang una o dalawang naging santo na nagngangalang Valentinus.

Ang padiriwang ng Araw ng mga Puso ay naging tradisyon na sa iba’t ibang panig ng mundo.

Gayundin, maraming kuwentong konektado sa Valentine. Ayon sa kuwentong Katoliko, maraming santo ang nagngangalang Balentino at lahat sila ay naging martir noong Pebrero 14. Kabilang na rito ang kuwento tungkol kay San Balentino na noong unang panahon ay ikinakasal nang palihim ang mga sundalo na salungat sa utos ng emperor na si Claudis II. Hindi pinahihintulutan ng emperor ang mga sundalo na magpakasal dahil isa ito sa mga kahinaan ng mga sundalo at ikasisira ng kanilang misyon.

Nasaksihan ni San Balentino kung paano naging malungkot ang mga sundalo kaya hindi siya sumang-ayon sa utos ng emperor. Kapag gustong magpakasal ng mga sundalo, lumalapit sila kay San Balentino para gawin ang sikretong kasal, ngunit nalaman din ito ng emperor kaya siya ipinakulong.

Noong nasa kulungan siya, pinaniwalaang pinagaling niya ang isang babaeng bulag at dito niya ipinamalas ang kanyang mga himala. Dahil dito, namangha sa kanya si Claudis II, pero nanindigan ito na kailangang sundin ang kanyang utos na hindi dapat mag-asawa ang mga sundalo.

Tinutulan pa rin ni San Balentino ang gusto ni Claudis II kaya ipinag-utos nito na patayin siya.

Isa rin sa mga kuwento ay si San Balentino ang kauna-unahang nagbigay ng Valentine’s card sa kanyang minamahal nu’ng dumadalaw ito sa kulungan. Bago ang kanyang kamatayan ay ibinigay niya ang kanyang sulat na may lagda na “from your valentine”.

Mga ka-BULGAR, ang pagsapit ng Araw ng mga Puso ay isang pagpapaalala na dapat nating ipamalas ang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga taong mahal natin, pero hindi lang dapat sa araw na ito kundi maging sa araw-araw na darating sa buhay natin.

Gets mo?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page