top of page
Pokwang.jpg

‘Django,’ Pagulayan at Corteza sa semis ng Bigfoot 10-Ball

Eddie M. Paez, Jr.
Jan 30, 2020
1 min read

Tatlong mga manunumbok ng lahing kayumanggi sa katauhan nina Francsico “Django” Bustamante, Alex “The Lion” Pagulayan at Lee Vann Corteza ang humakbang sa semifinals ng malupit na 2020 Bigfoot 10-Ball Challenge sa Elizabeth, Indiana.

Winasak ni Bustamante sina Finland ace Mika “The Iceman” Immonen, 11-3, at Corey Deuel ng Amerika, 11-5, sa kanyang pagpaparamdam sa taunang torneong umaakit ng mga malulupit na manunumbok mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.

Isa pang BCA Hall of Famer si Pagulayan, na kamakailan lang naluklok sa piling trono, ay nagparamdam ng ebidensiya nito nang daigin niya ang dalawang pambato ng host na sina Billy Thorpe (11-4) at World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 Shane Vann Boening sa isang maigting na 11-9 na pagtatapos.

Hindi naman napigilan ang dating World Straightpool titlist na si Corteza ng dalawang gitgitang salpukan upang makapasok sa semis kasama ng tubong Tarlac na si Bustamante at ang pambato mula sa Isabela na si Pagulayan.

Unang napasabak si Corteza kay Zoren James “Dodong Diamond” Aranas, 11-7; bago nakapuslit kay 2018 World 9-Ball Championships winner at kasalukuyang WPA no. 2 Joshua Filler ng Germany, 11-9.

Si Scottish Jayson Shaw ay may maitim na balak laban kina Bustamante, Pagulayan at Corteza matapos siyang maging pang-apat at tanging non-Pinoy na kasapi ng huling apat na manunumbok na nakatayo pa. Sina Skyler Woodward (U.S.A) at John Morra (Canada) naman ang mga naging biktima ni Shaw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page