Tao at hayop, dapat pantay-pantay ‘pag may kalamidad
- Nancy Binay
- Jan 29, 2020
- 2 min read
Nancy Binay / Be Nice Tayo
Magandang balita ang bumungad sa mga kababayan nating apektado ng pagputok ng Bulkang Taal sa pagdeklara kahapon na wala nang lockdown sa ilang bayan na nakapalibot dito.
Bagama’t, mula sa Alert Level 4 ay bumaba at nananatili na sa Alert Level 3 ang Taal, nananawagan pa rin tayong mag-ingat ang mga kababayan natin.
Ngunit, sa pagtanggal ng lockdown ay nabigyan sila ng pagkakataong balikan ang kanilang mga tahanan at simulan na ang pagbangong muli sa sakunang ito.
Nananalangin tayong patuloy pang kumalma ang bulkan nang umusad na rin ang rehabilitasyon para sa mga nasalanta nating kababayan.
◘◘◘
Kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Taal ang nakalulungkot na pagkabigo na iligtas ang napakaraming hayop dahil sa agarang paglikas.
Nakatanggap tayo ng liham mula sa animal welfare group na Save Animals of Love and Light (Save ALL) na nananawagan para sa maayos na implementasyon ng animal evacuation, rehabilitation at rehoming ng mga hayop.
Bilang pagtugon sa kanilang request, naghain tayo ng Senate Resolution 295 para imbestigahan ang status ng mga hayop na naiwan sa pagputok ng Taal.
Pagkilala ito sa mahalagang papel ng mga hayop na katuwang ng marami sa mga kababayan natin sa kanilang hanapbuhay, bukod pa sa itinuturing na ring bahagi ng pamilya.
Umaasa tayong mabibigyang-linaw nito ang estado ng animal evacuation and rehabilitation sa oras ng sakuna para mapabuti ito sa susunod na mga kalamidad na posibleng dumating sa ating bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments