top of page
Pokwang.jpg

Pinaggamitan ng calamity funds, dapat alam ng madlang pipol

Ryan B. Sison
Jan 29, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kani-kanyang diskarte kung paano mapagkakasya ang naibigay na donasyon. Ganito ang kadalasang ginagawa ng mga kababayan nating nasalanta ng kalamidad kapag may dumating na tulong.

Dahil agad na nagtulung-tulong ang mga Pinoy para makapag-abot ng mga donasyon sa mga nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal, nagpaabot din ng tulong ang gobyerno.

Kaugnay nito, pinatitiyak ni Albay Rep. Joey Salceda na magkaroon ng accounting at auditing sa mga donasyon para sa mga biktima ng Taal eruption.

Bukod pa umano ito sa calamity funds na gagamitin ng lokal na pamahalaan para sa mga kababayan na naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkan.

Paliwanag ni Rep. Salceda, calamity funds ang pinakasagradong pondo ng gobyerno dahil ito ay nagliligtas ng buhay.

Kailangan umanong malaman ng publiko kung ano ang status ng calamity funds, saan ito ginamit at sino ang mga nakinabang dito.

Gayundin, matapos ibaba ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang Taal, dapat nang simulan ng pamahalaan at LGUs ang rehabilitasyon, partikular sa resettlement ng mga nakatira sa volcano island.

Inirerekomenda ni Rep. Salceda sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga residente tulad ng “cash for work” at implementasyon ng programa ng Department of Labor and Employment/Displaced Workers (TUPAD).

Hiniling din nito na isailalim sa psychosocial care at stress debriefing ang mga biktima ng sakuna. Dapat lang na masilip at malaman ng publiko kung nagamit nang tama ang calamity funds.

Paraan din ito para masigurado na napupunta sa karapat-dapat mapuntahan ng tulong ang ginastos na halaga at hindi sa bulsa ng kung sinu-sino lang!

Hindi basta-basta pera ang pinag-uusapan natin dito dahil galing din ito sa buwis na binabayaran ng mga mamamayan.

Kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, ‘wag itago sa publiko ang ganitong klase ng impormasyon dahil ito ay karapatan ng taumbayan at hindi ibibigay lang kung kailan hihingin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page