Bentahan sa mall buking.. Tuyo vendor, tiklo sa P3.4 milyong shabu
- Janice Baricuatro
- Jan 29, 2020
- 1 min read

Nadakma ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-ROIV-A (RSET at Cavite PPO), PDEA SES, PDEA-BARMM at Bacoor CPS ang isang vendor ng tuyo at daing sa malakihang drug deal na isinagawa sa parking lot ng isang mall sa Bgy. Habay 2, Emilio Aguinaldo Highway, Cavite.
Kinilala ang suspek na si Sikal Abdullah, 45, tubong Isabela, Basilan, dried fish vendor at residente sa Parañaque City.
Sa nakalap na ulat mula sa PDEA, alas-12:05 ng tanghali nang ikasa ng grupo ang drug deal laban sa suspek sa parking lot sa isang mall na ikinaaresto nito.
Isang pulis ang tumayong scorer at nakipag-deal sa suspek.
Nang magpositibo ang transaksiyon, dito na ito pinaligiran ng grupo at nakumpiska ang 9 na sachets ng shabu na nasa P3.4 milyon ang halaga.
Narekober din dito ang buy-bust money at dalawang cellphones.
Inaalam pa ng pulisya kung kagrupo ito ng tatlong suspek na una nang naaresto kamakalawa sa parking lot din ng mall kung saan nakuhanan ang mga ito ng P6.8 milyong halaga ng shabu.





Comments