Taal survivors, hindi nakaligtas sa pagnanakaw

Mula sa Alert Level 4, ibinaba na sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal.
Dahil dito, ipinaubaya na sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Batangas ang pagpapabalik sa mga residenteng inilikas dahil sa pagputok ng Taal.
Ngunit, sa bayan ng Agoncillo, ipinatutupad pa rin ang lockdown dahil may ilang bahagi pa rin nito ang sakop ng 7km danger zone kaya window hours pa rin ang sinusunod.
Maraming residente ang masaya dahil ito ang unang beses na makababalik sila sa kani-kanilang tahanan matapos ang pagputok ng bulkan, pero napalitan ito ng pagkadismaya nang makitang may mga bitak ang kanilang bahay at bumagsak naman ang iba dahil sa lindol.
Sa kabilang banda, galit naman ang unang naramdaman ng isang residente matapos tumambad sa kanya ang magulong bahay na pinasok ng mga kawatan.
Sa kanyang Facebook post, makikitang pilit na binuksan ang pinto at bintana ng kanyang bahay, nakakalat ang mga gamit na nakalagay sa mga aparador at napag-alamang nawawala ang kanyang laptop, alahas at pera.
Aniya, nakadidismaya dahil tila walang seguridad sa ipinatupad na lockdown at parang sila ang binantayan na hindi makabalik sa lugar para pagsamantalahan.
Nakababahala lang dahil kung naka-lockdown ang kanilang lugar, paano nakapasok ang mga magnanakaw?
May kapabayaan ba sa seguridad o may kasabwat?
Nagtiwala ang mga residente na para sa kaligtasan nila ang ginawang pagpapalikas, pero sila pa rin ang kawawa dahil nakalikas nga sila, hindi naman magandang eksena ang inuwian nila.
Magsilbi sana itong aral sa lahat, lalo na sa mga awtoridad na marami pa ring walang puso na nanamantala sa ganitong uri ng sitwasyon kaya sana ay gumawa na sila ng aksiyon upang hindi na ito maulit sa susunod na pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments