top of page

Pagpupugay at pinagmulan ni Bryant sa NBA ginunita

  • Gerard Arce
  • Jan 28, 2020
  • 3 min read

Itinuturing na isa sa mga pinakatanyag na manlalaro ng National Basketball Association (NBA) ang “The Black Mamba” na si Kobe Bryant dahil sa angking galing at husay nito sa laro, lalo na pagdating sa mga clutch moments.

Maagang na-draft sa NBA noong 1996 kung saan napili siya ng Charlotte Hornets bilang 13th overall pick, ngunit nai-trade sa Los Angeles Lakers. Sa 20 seasons niya sa Lakers ay napili ito ng 18-beses bilang All-Star kabilang ang 5-championships; 3 rito ay kasama ang dominanteng sentro na si Shaquille O’Neal, 2 Finals MVP at isang season MVP.

Naging kontrobersiyal ang 41-anyos na pinagmulan ng “Mamba Mentality”; na ang ibig sabihin ay walang takot at pagbabakasakali at walang anumang kahit katiting na pagsuko sa laban; dahil na rin sa hindi pagkakasunod nila ni O’Neal at ilang coaches at players, ngunit kailanman ay hindi kinakitaan ng pagsuko lalo na sa pagkuha ng panalo.

Nabiyayaan ito ng dalawang scoring titles noong 2006 at 2007 at ang pambihirang 81-point performance noong 2006 na naging ikalawang pinakamataas na puntos sa kasaysayan ng NBA mula sa 100 point ni Wilt Chamberlain noong 1962. Isa rin siya sa matitinik dumepensa nang mapabilang ito ng 12-beses sa NBA All-Defensive team, maging ang magwagi ng gold medal sa Summer Olympics noong 2008 Atlanta at 2012 London Games.

Sa pagreretiro niya sa NBA, kumulekta siya ng pambihirang 60 puntos sa huling laro laban sa Utah Jazz noong 2016 para tapusin ang huling laro sa Lakers. Hindi rin tinantanan ng kontrobersiya sa labas ng court si Bryant nang maaresto ito noong 2003 dahil sa sexual assault sa Colorado matapos magreklamo ang 19-anyos na hotel employee. Napawalang-bisa ang kaso nito at inayos na lang sa pribadong usapan na mapagkumbaba na hiningi ng pasensya ni Bryant sa publiko. Ilang beses din na-injured ang All-Star guard dahil sa nasira na ang kanyang tuhod at ilang surgery. Noong nakalipas na Sabado ay nalampasan ni Lakers forward Lebron James si Bryant sa listahan ng All-time point leader sa 3rd spot nang kumulekta ng 33, 655 points sa 33, 643 marka ni Bryant. Pinamumunuan pa rin ito nina Kareem Abdul-Jabbar (38, 387) at Karl Malone (36, 928). Nakatakda sanang pangunahan ni Bryant ang 2020 NBA Hall of Fame nominees.

Samantala, nagtipon-tipon ang mga fans ni Bryant sa Staples Center upang doon parangalan at papurihan ang iniidolong basketball superstar.

Ilan sa mga nagtirik ng kandila ay ang 7-anyos na si Leo Márquez, sa memorial ni Bryant na lumuluhang inilalagay ang naturang bagay matapos malaman nito ang kinahinatnan ng kanyang idolo. “He wanted to come because he always watched Kobe on TV with his dad,” wika ng nanay nitong si Alejandra Márquez. Kabilang din sina 18-anyos na si Adam Jackman ng University of Southern California mula sa New York City na naglakad patungo sa arena. “I’m here for the impact that Kobe had on the city of L.A., not just on the court but in the community. This is the best place to be with the city as it tries to heal,” saad nito.

Magsasagawa sana ng isang Mamba Cup Tournament Series, isang serye na nagpapakita ng laro ng mga kabataang lalaki at kababaihan mula 3rd hanggang 8th grade. Nakansela lahat ng ito dahil sa aksidente.

Sa kasagsagan ng ginaganap na Grammy Awards ay kinilala ng music industry ng America si Bryant nang magbigay tribute ang mga ito na hino-host ni Alicia Keys.

Umawit ang sikat na boy-band at R&B group na Boyz II men ng, “It’s so Hard to say Goodbye to Yesterday. “Here we are, together on music’s biggest night celebrating the artists that do it best, but to be honest with you we’re all feeling crazy sadness right now because earlier today Los Angeles, America and the whole wide world lost a hero,” wika ni Keys. “And we’re literally standing here heartbroken in the house that Kobe Bryant built.” Inilawan din ang retired jersey ni Bryant na No. 8 at No. 24 jerseys sa rafters ng Staples Center. Nakiramay din sina US President Donald Trump, dating mga Pinunong sina Barrack Obama at Bill Clinton. Maging si Obama ay ginaya rin ang binitawang salita ni Bryant na “Mamba Out” nang makaharap niya ang dating pangulo ng U.S. sa White House.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page