Mga ilegalista at nanra-raket, parang mga kabuteng nagsulputan sa Kyusi
LABAS-PASOK SA BANSA ANG MGA CHINESE TAPOS LIGTAS ANG ‘PINAS SA CORONAVIRUS?—Kung meron mang utos sa ‘taas’ na manahimik ang Department of Health (DOH) tungkol sa kumakalat na coronavirus, mali ‘yan kasi karapatan ng mamamayan na malaman kung napasok na ng coronavirus ang ‘Pinas upang makapag-ingat ang mga Pinoy.
Mantakin n’yo, labas-pasok sa Pilipinas ang sandamakmak na Chinese, tapos parang gustong palabasin ng gobyerno na ligtas pa rin sa coronavirus ang bansa. Ano ‘yan, himala?
◘◘◘
KAPAG KUMALAT SA BANSA ANG CORONAVIRUS, LAGOT ANG DOH—Karamihan sa mga bansa sa Asya ay nagkumpirmang napasok na ang kanilang bansa ng coronavirus na nagmula at laganap ngayon sa China.
Bagama’t, naunang iniulat ng DOH na may 5-years old na Chinese sa Cebu ang pinaghinalaang may coronavirus, agad din nilang kinumpirma nang sumunod na araw na negatibo ito.
Sa ngayon, wala pang report ang DOH kung may coronavirus sa bansa. Sana wala pa talaga kasi kapag lumaganap ang coronavirus dito sa atin, walang ibang dapat sisihin kundi ang DOH, period!
◘◘◘
CAYETANO, HINDI PA PALA LUSOT SA MILYONES NA ‘KALDERO’—Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, may plano pa rin daw siyang imbestigahan kung nagastos nang tama ang bilyones na ipinagkaloob ng Duterte gov’t. sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ni Speaker Alan Peter Cayetano na siyang nangasiwa sa idinaos na 30th Southeast Asian (SEA) Games sa bansa.
Kung ganu’n, hindi pa pala lusot sa imbestigasyon ang “milyones na kaldero” o ang SEA Games cauldron ni Speaker Cayetano? Boom!
◘◘◘
DAPAT IHIRIT NA NI MAYOR JOY KAY PNP CHIEF GAMBOA NA TOKHANGIN ANG MGA ILEGALISTA SA QC—Nagkalat na raw sa halos lahat ng barangay sa Quezon City ang raket na lotteng nina “Pinong”, “Lito”, “Jessy”, STL-Pares nina “Tepang” at “Kit”; jueteng nina “Baby” at “Egay”; sakla nina “Willy”, “Amang” at “Gaspar”.
Ngayon lang nangyari sa panahon ni Mayor Joy Belmonte na parang kabuteng nagsulputan ang mga ilegalistang nangraraket sa QC.
Ang tanong: Kailan kaya ihihirit ni Mayor Joy kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na ipatokhang lahat ng ilegalista sa QC? Abangan!





Comments