top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Buwis-buhay para sa likes sa vlog, tama na ang pasikat!

Ryan B. Sison
Jan 27, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kapag may trending, i-vlog mo.

Ganito ang kadalasang nangyayari ngayon dahil kapag nakasabay ka sa trending, mas maraming manonood at kapag maraming views, maraming kikitain.

Kasabay ng paglabas ng mga vlog ng mga nangangahas lumapit sa mismong bunganga ng nag-aalburotong Bulkang Taal, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na lumayo sa isla na kinaroroonan ng bulkan.

Ayon sa Phivolcs, delikadong lumapit sa danger zone dahil sa banta ng mapanganib na pagsabog. Ito ay matapos mag-viral ang video ng isang lalaking nakatsinelas lang na naglalakad sa volcano island.

Nagsasagawa raw siya ng sariling pagsusuri sa mismong kasasabog lang na bunganga ng bulkan.

Noong Biyernes, muling nagbuga ng mas malakas na puting usok na may kaunting abo ang bulkan, hudyat na nagkakaroon ng aktibidad sa ilalim nito.

Indikasyon umano ito na may namumuo nang magma sa ilalim ng bulkan kaya posibleng sumabog ulit ito.

Samantala, hinimok naman ng Phivolcs ang mga lider ng lokal na pamahalaan na suwayin ang mga residenteng lalapit sa paanan ng bulkan.

Sa ganitong mga pagkakataon, unahin sana natin ang ating kaligtasan, hindi ‘yung buwis-buhay para lang sa views at pera.

Totoo ‘yung sinasabi nila na kapag interesting ang content mo, makakukuha ka ng views, pero paano kung interesting nga, buhay naman ang nakataya?

Tipong nag-trending ka nga, sandamakmak na sakit naman ang nakuha mo. Tsk! Nakadidismaya dahil kahit paulit-ulit na nagbibigay ng abiso ang mga eksperto, patuloy itong sinusuway ng ilan.

Gayundin, oks lang namang magbahagi ng mga karanasan tungkol sa pagsabog ng Taal, pero sana, naging sensitibo rin tayo sa mga ipino-post natin sa socmed, hindi ‘yung para makapag-”flex” o makapagyabang lang.

Libu-libong kababayan natin ang nasalanta, nawalan ng tirahan at kabuhayan kaya sa halip na magyabang o magbuwis-buhay sa socmed, makiisa na lang tayo sa mga tumutulong sa kanila.

At panawagan natin sa lahat, lahat ng paghihigpit ng mga awtoridad ay para rin sa ating kaligtasan. Hindi maisasalba ng likes, comments at share ang ating buhay kaya please lang, ‘wag maging pasaway!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page