top of page
Pokwang.jpg

AU Lady Chiefs, kapatas na ang CSB sa NCAA Volleyball

VA
Jan 27, 2020
1 min read

Sumalo sa College of St. Benilde sa pamumuno sa women’s division ang defending champion Arellano University matapos padapain ang San Sebastian College, 25-17, 25-18, 25-27, 25-13, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Gaya ng dati, muling pinangunahan ni Regine Arocha ang nasabing ika-apat na sunod na panalo ng Lady Chiefs sa itinalang personal best na 24 puntos, 11 digs at 9 na receptions.

Dahil dito, pumatas sila sa Lady Blazers sa pamumuno habang isinadlak nila ang Lady Stags sa ika-4 na sunod nitong pagkabigo.

Nauna rito, umiskor ng 29-puntos si Christian de la Paz, walo rito ay ipinoste niya sa decider set upang pamunuan ang Arellano Chiefs sa paggapi sa San Sebastian Stags, 25-23, 16-25, 25-27, 25-19, 16-14 para tumatag sa pamumuno sa men’s division.

Sa kabila ng nakopong ika-4 na dikit na panalo, dismayado pa rin si Chiefs coach Sherwin Meneses dahil muntik pa silang silatin ng Stags.

Ngunit, naniniwala si Meneses na natuto ng leksiyon ang kanyang koponan sa nasabing pressure game bilang una nilang 5 setter ngayong season.

Nag-ambag sa nasabing panalo at nakabalikat ni de la Paz sina Jesrael Liberato at Demy Lapuz na tumapos na may 16 at 12 puntos ayon sa pagkakasunod.

Sanhi ng pagkatalo, bumagsak sa ilalim ng standings ang San Sebastian na wala pa ring panalo pagkaraan ng apat na laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page