top of page
Pokwang.jpg

P10 libong tulong sa pagbangon ng mga taga-Taal

Ryan B. Sison
Jan 26, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal, agad na umapela ng tulong ang mga kababayan nating lubos na naapektuhan.

May ilang nasiraan at kinailangang iwanan ang bahay, gayundin ang mga nawalan ng kabuhayan.

Dahil walang choice kundi manatili sa evacuation centers para masiguro ang kaligtasan, hindi makagawa ng paraan ang mga ito kundi maghintay ng tulong dahil hindi makabalik sa kanilang mga tirahan at hindi makapaghanapbuhay.

Kaugnay nito, tutulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang maliliit na negosyante sa Batangas sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong-pinansiyal.

Sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PBG), magbibigay ng P10,000 financial assistance ang DTI sa mga apektadong negosyante.

Ang programa ay inisyatibo ng pamahalaan at DTI upang matulungan ang maliliit na negosyante na naapektuhan ng pagsabog ng Taal. Ito ay upang makabalik sa normal ang kanilang kabuhayan matapos ang insidente.

Sa totoo lang, malaking tulong ito sa maliliit na negosyante, pero sana, matiyak na karapat-dapat silang mabigyan ng tulong.

‘Yung may mahigpit na pamantayan para makasigurado na hindi masasamantala ang programang ito.

Gayundin, huwag sanang abutin nang siyam-siyam ang pagpapaabot ng tulong na ito para tiyak na makababangon ang mga negosyong naapektuhan.

Panibagong hamon para sa atin ang pagbangon mula sa trahedyang ito.

Maraming hayop na ginagamit sa kabuhayan ang namatay dahil hindi nailikas, marami nang residenteng nagkakasakit sa evacuation centers at sabik nang makauwi at may ilan na pinipilit lumaban at naniniwalang pansamantala lang ang sitwasyong ito.

Sa ngayon, magtulung-tulong tayo sa pagpapahatid ng mga tulong na kaya nating ibigay.

Sabayan na rin natin ng pagdarasal at paniniwala na malalampasan natin ang pagsubok na ito sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page