top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Mga karapatan ng guarantor sa utang

Persida Acosta
Jan 26, 2020
3 min read

Ang guarantor ay ang tao na nangakong sasagot sa pagbabayad ng pagkakautang ng ibang tao sa sandaling ang taong ‘yun ay hindi na makabayad ng nasabing pagkakautang. Sa kabilang panig ng kasunduan ng paggagarantiya ay ang mga sumusunod na karapatan ng guarantor na nakapaloob sa Civil Code of the Philippines:

1. Ang guarantor ay hindi maaaring singilin ng higit sa halaga ng prinsipal na pagkakautang na kanyang ginagarantiyahan. Maaari siyang magbayad ng mas mababa sa prinsipal na pagkakautang subalit hindi ng mas mataas kaysa rito;

2. May karapatan siyang hilingin na ang kontrata para sa kanyang paggagarantiya sa pagkakautang ay mailagay sa kasulatan. Ang paggagarantiya ng utang ay hindi palagay o akala lamang. Dapat ito ay hayagang sinasabi at hindi dapat lalagpas sa estipulasyong pinagkasunduan ng mga partido sa kontrata;

3. Karapatang hindi piliting magbayad ng utang na ginarantiyahan hangga’t hindi nauubos ang mga ari-arian ng taong umutang (benefit of excussion) at hanggang hindi naisasagawa ang lahat ng legal na remedyo laban sa prinsipal na nagkautang. Maliban lamang sa mga sumusunod na sitwasyon:

a. Tinalikdan ng guarantor ang benepisyong ito;

b. Kung napagkasunduan na ang guarantor ay magbabayad ng utang kasama ang prinsipal na umutang;

c. Kapag ang prinsipal na umutang ay wala nang natirang anumang pag-aari;

d. Kapag ang guarantor ay tumakas o hindi na makasuhan sa Pilipinas maliban lamang kung nag-iwan siya ng magrerepresenta para sa kanya;

e. Kapag sa palagay ng nagpautang na ang ari-arian ng prinsipal na umutang ay hindi sapat upang mabayaran ang utang;

4. Karapatang maabisuhan ng nagpautang sa anumang aksiyon na isinampa laban sa prinsipal na umutang;

5. Anumang kompromisong pinagkasunduan ng prinsipal na nangutang at ng nagpautang ay maaaring gamitin para sa benepisyo ng guarantor at hindi sa ikapapahamak nito;

6. Kapag guarantor ang nagbayad ng pagkakautang ng prinsipal na nangutang, ang nasabing guarantor ay may karapatang mabayaran ng prinsipal na nangutang nang buong halaga ng binayaran kasama ang mga interest para rito, danyos para sa mga perhuwisyong natamo dahil sa kanyang pagiging guarantor at sa iba pang mga nagastos pagkatapos niyang ipaalam sa prinsipal na nangutang na kailangan na niyang bayaran ang kanyang pagkakautang dahil sinisingil na siya ng nagpautang;

7. Ang guarantor na siyang nagbayad ng pagkakautang ay may karapatang gamitin ang lahat ng karapatang mayroon sa isang nagpautang laban sa prinsipal na umutang upang kanyang mabawi ang halaga ng utang na binayaran kasama ang lahat ng interest.

8. Karapatang hilingin sa prinsipal na nagkautang na siya ay palayain na sa pagiging guarantor o kaya naman ay humingi ng isang seguridad para protektahan niya ang kanyang sarili sa anumang aksiyong gagawin ng nagpautang laban sa kanya dulot ng kanyang pagiging guarantor.

9. Kapag ang nagpautang ay boluntaryong tumanggap ng ari-arian o anumang bagay bilang kabayaran ng prinsipal na pagkakautang kahit mawala ang mga ito sa kanya, ang guarantor ay may karapatang mapalaya bilang guarantor.

10. Kapag mayroong dalawa o mas maraming guarantors para sa parehong pagkakautang at ang isa sa kanila ay nagbayad nito, may karapatan ang nasabing guarantor para singilin sa kanyang kapwa guarantor ang halaga ng utang na binayaran ayon sa parte ng utang na ginarantiyahan ng bawat isa. Subalit, ito ay maaaring gamitin lamang kapag ang pagbabayad ng utang ay ginawa dahil mayroong legal na pagsingil at dumaan ito sa husgado o ang prinsipal na umutang ay wala na talagang pambayad. Kapag ang isa naman sa nasabing mga guarantors ay pinalaya ng nagpautang nang walang pagsang-ayon ang iba pang guarantors, ang nasabing mga guarantors ay mapalalaya na rin.

11. Ang obligasyon bilang guarantor ay napapawalang-saysay tulad ng paraan ng pagpapawalambisa sa obligasyon.

1 Comment


floyd juanson
floyd juanson
Feb 03, 2024

good day po..ako po ay may tinulungan pr mkahiram ng pera s kakilala ko din po... napahiram xa pero d po xa añnagbabayad...kaya nagkabarangayan po..napagkasunduan po n magbabayad xa s itinakdang mga petsanpero d p din xa tumupad...kaya ngyon po ako ang hinahabol nung nagpautang... wala po kami naging kasunduan n pinirmahan nung nangutang ung tao..sinasabi nya n ako ang nag garantor kaya ako ang hinahabol nya s utang pr magbayad po..ano po dpt kong gawin atty?

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page