Meat products na positibo sa ASF, ibinaon na — BOC

Photo: Bureau of Customs
Matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF), agad ipinag-utos ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang ‘condemnation’ o ibinaon ang goods na natagpuan sa isang container na naka-consigned sa isang meat trader company.
Nagpalabas na rin ang BOC ng alert order para sa iba pang shipment na naka-consigned sa kumpanyang Dynamic M Intl. Trading, Inc. na may warehouse sa Kawit, Cavite. Maghahain din ang BOC ng kaso laban sa kumpanya at irerekomenda ang pagbawi ng lisensiya ng brokers nito.
Mahigpit na ring mino-monitor ang pagdating ng mga container ng mga meat at seafood product na pumapasok sa Manila ports.
Noong Disyembre, may 134 cargoes na naglalaman ng iba’t ibang uri ng frozen seafood products ang nakumpiska matapos mabigo ang consignees nito na makakuha ng kaukulang permit para sa kanilang importasyon.
Ang shipment na naka-consigned sa Dynamic M Intl. Trading, Inc. ay dumating noong Disyembre 11 noong nakaraang taon.
Naglalaman ito ng pecking duck at ilang misdeclared items na siyang nagtulak kay Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro na irekomenda para sa pagsusuri kung saan lumitaw na ang mga produkto ay kontaminado ng ASF.
Ang Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) ang nanguna sa imbestigasyon. Si Dr. Reynaldo R. Quilang, MSA, chief ng Veterinary Quarantine Services-MICP, ang nagrekomenda na lahat ng laman ng container ay i-condemned at ibaon na sa compound ng warehouse.





Comments