Paglipat sa Jordan ng olympic boxing q’fying, goodluck!
Inanunsiyo ng IOC Boxing Task Force (BTF) na ang Asian/ Oceanian Tokyo 2020 qualifying event ay inilipat na sa Jordan sa Marso 3-11, 2020.
Unang plano na sana na idaos ang event sa Wuhan, China sa Peb 3-14 pero pinalipat ang venue sa desisyon na rin ng BTF at ng Chinese Olympic Committee (COC) na kanselahin doon ang kompetisyon bunga na rin ng coronavirus outbreak sa naturang lugar.
Matapos ang maingat na pagrerebisa, inaprubahan ng BTF ang proposal ng Jordan Olympic Committee (JOC) upang kumpirmahin ang petsa at lokasyon sa lalong madaling panahon, para na rin sa kapakanan ng mga atleta na naghahanda sa qualifier.
Nauna nang nagpahayag si Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Ed Picson ng interes na mailipat ang nasabing kompetisyon sa ibang lugar, partikular na sana upang maging host ang Pilipinas.
Sa panayam kay Picson sa lingguhang PSA Forum ng nakaraang linggo ay pinag-isipan umano ng kanilang pamunuan na kunin na lamang sa China, kabilang ang bansang Israel at Thailand, ang Asia-Oceania Olympic qualifier dahil natatakot ang ibang bansa na baka lumala pa ang sitwasyon sa naturang lugar na maaaring magkaroon ng outbreak ng pneumonia o anumang respiratory disease.
Ngunit, dahil na rin sa kakayanan ng Pilipinas na mag-host ng isang pandaigdigang kumpetisyon, gaya ng nakalipas na 30th Southeast Asian Games sa bansa noong nakaraang taon, seryoso rin ang bansa na hawakan ito dahil may karanasan na ang mga ito na magpatakbo ng malaking kaganapan.
Suportado ng Philippine Olympic Committee (POC) ang suhestiyon ng ABAP na gawin sa Pilipinas ang naturang pandaigdigang kumpetisyon. “We know the ability and the capacity of ABAP and our workforce, that’s why we support the transfer of the Olympic qualifying here in the Philippines,” wika ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino. “We will assist in whatever way we can,” dagdag nito.
Naghahanda na ang buong pambansang koponan ng boxing na makakuha ng silya sa Summer Games sa Tokyo, Japan na magsisimula sa Hulyo 24-Agosto 9, kung saan malaki ang inaasahan sa mga Pinoy at Pinay boxers na makukuha ang inaasam na mailap na gintong medalya ng bansa.
Kasalukuyang nag-eensayo ang men’s team sa bansang Thailand upang doon hasain ang kanilang kakayanan at palawakin pa ang kanilang kaalaman. Magpapadala ang Pilipinas ng 5 manlalaro sa men’s division at 3 sa women’s category na kinabibilangan ng mga medalist sa nakalipas na biennial meet, kung saan kabilang sina 2019 AIBA World Amateur Boxing gold medalist Nesthy Petecio sa women’s under-57kgs at World silver medalist Eumir Felix Marcial sa men’s under-75kgs category.
Samantala, dismayado naman ang panig ABAP chairman Manny V. Pangilinan dahil hindi nakuha ng Pilipinas ang hosting ng ‘Pinas dahil nakahanda naman ang bansa na gagamitin ang lahat ng resources kung sakali.
Gayunman, nagbigay na lamang si Pangilinan ng good luck wish para sa Jordan. “I thank the IOC Boxing Task Force for their kind consideration of our offer. We wish Jordan well in their hosting,” wika ni Pangilinan. “I also wish to convey our appreciation to those who supported our bid to host, notably the Philippine Olympic Committee, the Philippine Sports Commission, IOC representative to the Philippines Ms. Mikee Jaworski and the public at large. Onward to the Olympics,” dagdag nito.





Comments