Coronavirus, ‘wag nang hayaang umatake, iwasan na
- Nancy Binay
- Jan 26, 2020
- 2 min read
Nancy Binay / Be Nice Tayo
‘Ika nga nila, mas mabuti nang umiwas kaysa magkasakit. Kaya nananawagan tayo sa mga kinauukulan, lalo na sa Department of Health (DOH), na i-activate na ang kanilang emergency response plan at siguraduhing handa ang pamahalaan na tugunan ang posibleng outbreak ng ‘misteryosong sakit’ na inire-report na sa China at sa iba pang karatig na bansa.
Inihain din natin ang Senate Resolution No. 293 upang alamin ang angkop na tugon at ang kinakailangang pondo upang masiguro ang mabilis at mabisang sagot ng gobyerno tungkol sa sakit na dulot ng tinatawag ngayong novel
coronavirus o 2019 nCov.
Mas mabisa pa rin ang preemptive measures kaya kailangan nating paghandaan ang ganitong impormasyon na hawak ng government agencies, lalo na at kinakaharap pa rin natin ang epekto ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayaw nating madagdagan pa ang problemang dapat nating tugunan kaya mas mabuting agapan na natin kung makakaya.
Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga galing sa ibang bansa na kung makaranas ng sintomas tulad ng ubo, sipon, lagnat, hirap o pangangapos ng paghinga at iba pang respiratory symptoms ay kumonsulta na agad sa inyong healthcare provider.
Ayon sa DOH, maaaring maiwasan ang sakit na dulot ng novel coronavirus sa pamamagitan ng regular na paghuhugas ng mga kamay, pagtatakip ng bibig at ilong kung uubo o babahing, pag-iwas sa mga taong may sipon o ubo, pag-inom ng maraming tubig at pagsiguro na naluto nang maayos ang mga pagkain.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments