Ang pagpanaw ng ama at haligi ng Bulgar

“Walang araw na mabubura ka sa aming mga alaala.” Paalam boss, may you rest in peace! Photo: Jun Guillermo
Halos sampung taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw ang aking ama na si Carlos at tuwing dumarating ang ika-9 ng Nobyembre, inaalala namin ang kanyang pagpanaw. Ilang taon man ang lumipas, masakit at malungkot pa rin kaming magkakapatid tuwing dumarating ang anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Tunay na haligi ng tahanan ang ama kung saan kapag nawala siya ay parang hindi na tulad nang dati ang buhay.
Hindi malayong ganito rin ang nararamdaman ng pamilya ni Rainier Sison, nang pumanaw ito noong nakaraang Sabado, ika-18 ng Enero, 2020. Paalam, Rainier, nawa’y pagpalain kayo ng Panginoong Diyos. Nakikiramay tayo kay Nida Bonifacio Sison, mahal na maybahay nito, gayundin kina Maxim Ryan at Michelle Racquel, kanyang mga mahal na anak. Nakikiramay din tayo sa buong pamilya ng pahayagang BULGAR sa pagpanaw ng isang mabuting boss, kaibigan at tatay.
Nakilala natin si Rainier noong 2002 nang nagsimula tayo bilang kolumnista sa BULGAR.
Sa loob ng 18 taon, napakaraming nangyari sa ating bansa at sa buong mundo. At sa mga panahong ito, naroroon ang ating pahayagan na tumatayong saksi sa lahat ng mahahalagang pangyayari sa lipunan at daigdig. Naroroon din si Rainier na naging napakahalagang bahagi ng pagtupad ng BULGAR sa kanyang mithiing palaganapin ang mapagpalayang katotohanan.
Noong Miyerkules, ika-22 ng Enero ay nag-alay tayo ng misa para sa kanya.
Marami tayong narinig na magagandang istorya tungkol sa kanyang buhay.
Gayundin, ang pagsubok na hinarap niya at ng kanyang buong pamilya.
“Hanggang sa pinakahuling sandali ng kanyang buhay, lumalaban ang ama ko. Ayaw niyang sumuko. Gustung-gusto pa niyang mabuhay,” sabi ni Ryan, ang kanyang panganay na anak. Hanggang sa pinakahuling sandali, sa kabila ng mga aberya ay sinikap ng kanyang pamilya na iuwi na siya mula sa Singapore.
Napakahabang panahon nitong lumaban para maging malakas muli kahit ang iba ay napagod nang maniwala na maaari pa siyang gumaling.
Pinagnilayan namin ang Salmong Tugunan para sa misa: “Nauuhaw ang aking kaluluwa para sa iyo, Panginoon.” Hindi ba, ito ang istorya ng buhay ng lahat?
Anuman ang gusto nating gawin sa buhay ay isang uri lamang ng pagtatangkang hanapin ang Diyos. Hanggang sa kanyang pinakahuling hininga, hinanap ni Rainier ang Diyos sa gitna ng kanyang mga pagkakamali’t kabiguan maging sa kanyang mga tagumpay at mabubuting gawa.
Kailangang unawain ang malalim at kadalasa’y tagong kabuluhan ng kanyang mga ginagawa. Mabuti na lang at naririyan ang kanyang asawa at mga anak na hindi siya tinalikuran at pinabayaan. Nagkasundo kami ni Ryan nang sabihing isa ring milagro ang kanyang ina na anumang pagsubok ay hindi bumitaw sa Diyos at nawalan ng pag-asa para sa kanilang ama.
Maluha-luha sina Ryan at Racquel habang pinag-uusapan namin ang kanilang ama. Nakita natin sa mga mata ni Ryan ang pagkilala niya sa napakahalagang papel ng kanyang ama sa kanyang buhay. Tunay na malaking kawalan siya sa kanyang pamilya bilang kaibigan, katoto at ama.
Maaari nating ihambing ang ating mga ama kay HesuKristo na naging tunay na kaibigan. Bilang kaibigan, hindi siya basta nag-uutos at nagbabawal kundi sumusuporta — sinasamahan at ginagabayan tayo sa bawat sandali ng ating buhay.
Mapapalitan ba ang ama? Mawawala ba ang hapdi ng kanyang pagpanaw? Isang milagro ang kalaliman ng alaalang iiwan ng yumaong ama. Hindi natin sila malilimutan tulad ng tigang na lupa na hinahanap-hanap ang tubig.





Comments