Tulong ng DOLE sa mga biktima ng Taal eruption, asap dapat!

Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring katiyakan kung kailan makaaahon mula sa trahedya ng Bulkang Taal ang mga kababayan natin sa Batangas.
Hanggang ngayon, hindi pa rin batid, maging ng mga eksperto kung mananahimik o patuloy pa ring magmamalupit ang bulkan.
Dagsa ang tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at maging sa mga kababayan natin mula sa iba’t ibang sulok ng bansa.
At tayo ay lubos na nagpapasalamat na minsan nating napatunayang sa mga ganitong pagkakataon ay mas nananaig ang pagkakaisa at pagtutulungan.
Kaugnay ng pangyayaring ito, isa sa mga ikinababahala natin ay ang pagtaas ng bilang ng mga mawawalan ng hanapbuhay.
Apektado ang mga tanggapan sa mga lugar na sinalanta ng ashfall kaya marami sa mga ito ang hanggang ngayon ay suspendido ang operasyon.
Kaya paano na lang ang ikinabubuhay ng mga kababayan nating naapektuhan?
Sa pagkakataong ito, mananawagan tayo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na kung maaari ay pagalawin ang assistance program para sa mga nasalantang manggagawa at empleyado.
Sa kabuuang alokasyon na natanggap ng nasabing ahensiya mula sa 2020 National Budget, P120 milyon mula rito ang maaari nilang magamit bilang tulong-pangkabuhayan sa displaced workers sa mga apektadong lugar tulad ng Batangas at Cavite.
Karamihan sa kanila ay nanganganib na tuluyan nang mawalan ng trabaho o pagkakakitaan kasunod ng pangyayaring ito.
Napakalawak ng mga apektadong lugar at napakalaki ng bilang ng mga apektadong pamilya. Obligasyon nating mga nasa gobyerno na tumulong upang makaahon sila mula sa kalamidad.
Kabilang sa maaaring makatulong sa displaced workers ay ang Adjustment Measures Program (AMP) ng DOLE na pinaglaanan ng P112.62 milyong pondo mula pa rin sa 2020 National Budget.
Base sa isinasaad ng AMP, ang mga regular o permanenteng empleyado na mawawalan ng trabaho dahil sa mga trahedya o kalamidad tulad nitong Taal eruption ay tatanggap ng tulong-pinansiyal na katumbas ng 50 porsiyento ng ipinatutupad na minimum wage sa mga rehiyong apektado.
Samantala, ang affected casual employees naman ay tatlong buwang tatanggap ng financial support na ang katumbas ay 25 porsiyento ng minimum wage na ipinatutupad sa rehiyong apektado ng kalamidad.
Nariyan din ang isa pang programa ng DOLE, ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na may pondong P6.8 milyon.
Ito ay community-based assistance package na magkakaloob ng 10 hanggang 30 araw na emergency employment sa displaced workers, seasonal workers at mga unemployed.
Kapag natapos ng mga benepisaryo ang emergency employment ng TUPAD, sasailalim sila sa skills training ng TESDA at iba pang training institutions.
Umaasa tayong diringgin ng DOLE ang panawagan nating ito dahil walang ibang tutulong sa ating mga kababayan kundi ang sinasandigan nilang pamahalaan.





Comments