Spa ang salon na nag-aalok ng sex, huli
- Madel Moratillo
- Jan 25, 2020
- 1 min read

Ipinasara ang isang spa and salon, na ginagamit umanong sex den at front ng prostitusyon sa San Juan City.
Una umanong ipinasailalim ni San Juan City Police Chief P/Col. Jaime Santos ang Zara Wellness Center Spa and Salon na matatagpuan sa N. Domingo sa nasabing lungsod sa dalawang linggong surveillance matapos makatanggap ng ulat hinggil sa ilegal na aktibidad nito.
Isang impormante, na nagpanggap na kostumer ang naghudyat na isagawa na ang pagsalakay nang alukin siya ng “extra service” ng massage therapist na siya ring tumanggap ng marked money na P2,000.
Ang sexual act ay nakuhanan din umano ng video na nagresulta sa pagpapasara ng spa and salon.
Tiniyak naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na hindi nila kukunsintihin sa kanilang lungsod ang ganitong masamang gawain.
Kabilang sa mga nasagip sa raid ang tatlong babae at dalawang lalaking therapists, na agad na itinurnover sa Office of City Social Welfare and
Development para sa debriefing at assessment.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 as amended by RA 10364 o Anti-Trafficking in Person Act ang may-ari ng spa na si Windy Dolor.





Comments