top of page

Dagdag-buwis sa alak at yosi-vape, bawas-presyo sa mga gamot, konsyumer, panalo!

  • Ryan B. Sison
  • Jan 25, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Epektibo ngayong buwan, papatawan na ng karagdagang excise tax ang alak at e-cigarettes.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11467 o batas na nagpapataw ng karagdagang buwis para sa mga nakalalasing na inumin at e-cigarettes o vape.

Sa ilalim ng bagong batas, itataas ang sin tax sa alak ng P35 hanggang P50 habang ang e-cigarettes ay tataas ng P25 hanggang P45.

Inaasahang makalilikom ng P24.9 bilyon ang gobyerno sa bagong sin tax law na gagamitin sa pagpondo sa Universal Health Care program.

Nakapaloob din ang probisyon na ibaba ang presyo ng gamot para sa sakit sa puso, diabetes at high-cholesterol upang huwag nang patawan ng value added tax mula ngayong Enero, 2020.

Ang mga gamot para sa mental health, cancer, tuberculosis at kidney diseases ay magiging VAT-free simula Enero, 2023.

Ikinatuwa ito ng mga mambabatas dahil naniniwala sila na mas maraming buhay ang maiiwasang malagay sa peligro dahil sa bagong batas.

Iniuugnay ng mga eksperto ang alcoholism sa 40 sakit kabilang ang liver cirrhosis, cancer, pancreatic disease, hypertensive disease, tuberculosis, diabetes at mental diseases.

Samantala, kung lusot na ang dagdag-buwis sa alak at vape, hiling naman ng iba, patindihin na rin ang parusang ipapataw sa mga establisimyentong magbebenta ng sigarilyo at alak sa mga menor-de-edad.

Ito ay dahil tila wala umanong pangil ang umiiral na batas o Republic Act 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003) dahil P5,000 multa at hanggang 30 araw na kulong lang ang ipinapataw sa mga lumalabag.

Ngayong parami nang parami ang tinatamaan ng sakit dahil sa labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo, dapat lang na dagdagan ang excise tax at higpitan ang pagbebenta nito, lalo na sa mga kabataan.

Siyempre, kahit tumaas ang excise tax sa mga nabanggit na produkto, siguradong may tatangkilik pa rin ng mga produktong ito kaya masasabi nating win-win ang solusyong ito.

At kahit may mangilan-ngilan na nagrereklamo dahil sa bagong batas na ito, ‘wag nating kalimutan na lahat ng ito ay mapakikinabangan natin sa mga susunod na taon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page