Coronavirus, kalat na sa iba’t ibang bansa
- Korina Sanchez
- Jan 25, 2020
- 2 min read
Kasalukuyang tinatalakay ng World Health Organization (WHO) ang mga alituntunin hinggil sa pagbiyahe ng mga taga-Mainland China sa ibang bansa. Ipinatigil na ng gobyernong China ang mga biyahe palabas ng Wuhan kung saan unang kumalat ang sakit.
Naghihintay lang ng abiso ang Pilipinas mula sa WHO kung ipatitigil na ang pagpasok sa bansa ng mga taga-China, gayundin ang pagbabawal na pumunta roon.
Kaugnay nito, nauna nang kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque III na may isang kaso na sila ng posibleng coronavirus. Ito ay ang 5-anyos na bata mula sa Wuhan, China na dumating sa Cebu noong Enero 2. Ipinadala pa umano sa Australia ang mga sampol para makasiguro sa tunay na sakit ng bata.
Gayunman, mabuting balita dahil kahapon ay nakumpirmang negatibo ang bata sa nasabing sakit at ngayon ay gumaganda na ang kondisyon.
Samantala, sa Wuhan, China, tumaas sa 17 mula sa siyam ang kumpirmadong patay mula sa coronavirus o 2019 nCov.
May mga kumpirmadong kaso na rin sa Thailand, Japan, Hong Kong, Macau, South Korea at Taiwan.
Ayon kay Sec. Duque, ilan sa mga sintomas ng coronavirus infection ay lagnat, ubo, sipon, respiratory symptoms tulad ng hirap at pangangapos ng hininga at kung lalala ay maaaring mauwi sa pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure o kamatayan.
Sa ngayon, habang hindi pa tuluyang kumakalat ang naturang sakit, panatilihin nating malinis ang ating katawan, gayundin ang ating paligid — sa bahay man o sa opisina, uminom ng vitamins na makatutulong upang tumibay ang ating immune system, ugaliin ding maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, gumamit ng mask lalo na kapag lalabas ng bahay at hangga’t maaari ay magpa-‘flu vaccine’.
Sa mga ganitong uri ng sakit, mahalaga na malakas ang ating resistensiya. Ang tamang pag-aalaga sa sarili ay hindi maituturing na pag-iinarte dahil ‘ika nga, “Prevention is better than cure”.





Comments