Nag-golf sa oras ng trabaho, 3 PNP offc’ls., sibak na, kakasuhan pa
- Editoryal
- Jan 24, 2020
- 1 min read
Kapag sinabing bawal magliwaliw sa oras ng trabaho, bawal! Pero sadyang may ibang matitigas ang ulo at tila hinahamon ang bagong pamunuan ng kapulisan.
Ang tinutukoy natin ay ang tatlong matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nahuli umanong naglalaro ng golf sa oras ng trabaho.
Ito raw ang libangan ng mga ito ‘pag naiinip kahit weekdays o naka-duty.
Kahit saan namang ahensiya o kumpanya, ‘pag oras ng trabaho, obligadong ibigay ang oras sa mga nakatalagang gawain at hindi sa ibang bagay.
Hindi kayo sinusuwelduhan ng taumbayan para magpasarap habang ‘yung iba ninyong kabaro, buwis-buhay sa serbisyo.
Kung hindi n’yo mahintay ang weekends o day-off para makapaglaro ng golf o ng anumang sports, mag-resign na lang kayo para okay lang kahit forever kayong hayahay.
Akala siguro ng mga opisyal na ito ay hindi sila masasampulan. Ngayon, sibak na sa posisyon, wala nang promosyon, mahaharap pa sa kasong administratibo.
Sana ay magsilbi itong babala o paalala sa lahat, hindi lang sa mga pulis kundi sa lahat ng manggagawa, igalang natin ang oras ng trabaho.
Hindi lang ito tungkol sa pasuweldo kundi sa mismong responsibilidad at tiwalang ibinigay sa atin na magagampanan ito nang maayos.





Comments