top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Kalinisan, panlaban sa nakamamatay na Coronavirus ng China

Bong Revilla
Jan 24, 2020
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Marami ang naalarma sa ating mga kababayan nang unang pumutok ang ‘misteryosong sakit’ mula sa China na mabilis umanong makahawa kaya nagkaroon ng pagbabantay sa ating mga paliparan.

Hindi pa man natutukoy ang naturang sakit ay marami na sa ating mga kababayan ang balot na ng pag-aalala dahil sa posibilidad na sila ang mahawa o ang mga mahal nila sa buhay.

Lalo pang umalingawngaw ang balita nang tawaging mala-SARS na virus ang kumakalat na sakit mula sa China na tumawid na sa tatlo pang bansa sa Asya dahil sa paghawa umano ng tao sa tao.

Ngayon, kumpirmado na ang takot na nararamdaman ng ating mga kababayan lalo pa at nagpatawag na ang World Health Organization (WHO) ng emergency meeting para talakayin ang kumakalat na virus.

Unang nadiskubre sa Central City ng Wuhan ang coronavirus strain dahil sa koneksiyon nito sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) na pumatay ng halos 650 katao sa Mainland China at sa Hong Kong noong 2002 hanggang 2003.

Sa ngayon ay umakyat na sa 218 ang kabuuang bilang ng mga taong nahawahan ng bagong virus na ito at tatlo katao na ang kumpirmadong nasawi sa Wuhan ayon sa local health commission.

Hindi pa kabilang ang mga unang nahawahan sa Beijing at Shanghai kasunod ng 12 biktima sa southern Guangdong province at 136 na mga bagong kaso ang naitala sa Wuhan pa rin.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng mga eksperto kung paano ang mode of transmission o paraan ng pagsalin ng virus matapos matukoy na ang Wuhan ang pinaniniwalaang sentro ng outbreak.

Sa ngayon, nakaantabay tayo sa resulta ng pagpupulong ng WHO sa Geneva kung kailangan nang magdeklara ng outbreak at public health emergency of international concern — isa itong designasyon na ginagamit sa pinakamalalang epidemya.

Lumalabas na ang mga hayop sa pamilihan ang primary source o posibleng ang limitadong human-to-human transmission na nakukuha sa pagitan ng close contacts.

Pero bago nakapasok sa ating bansa ang virus na ito ay kumpirmadong kumalat na ito sa Japan, Korea at Thailand at may mga paunang ulat na kahalintulad ito ng SARS at may mga ulat din na hindi ito kasingbagsik ng SARS.

Hangga’t hindi pa tukoy na tukoy ang virus ay makabubuting simulan na natin ang pag-iingat sa pamamagitan ng mga basic na paglilinis ng katawan, araw-araw.

Huwag tayong maghintay ng mga anunsiyo mula sa gobyerno para mag-ingat dahil kahit hindi pa solido ang detalye hinggil sa virus na ito ay alam nating nakahahawa at nakamamatay.

Kumbaga, kailan tayo gagamit ng payong, kung basambasa na tayo ng ulan, hangga’t maaga ay maghanda na, iwasan muna ang mga matataong lugar na madalas ay may close contacts na nagaganap.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page