top of page
Pokwang.jpg

Ilegal na gawain ng mga Intsik sa Pilipinas, lagot sa PNP!

Korina Sanchez
Jan 24, 2020
2 min read

Noong Lunes, opisyal nang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa bilang PNP chief. Ilang buwan din naging OIC ng PNP si Gen. Gamboa nang magbitiw sa puwesto si Gen. Oscar Albayalde dahil sa pagkakasangkot nito sa kontrobersiya ng ‘Ninja Cops’.

Sa ilang buwan ay maraming nagawa si Gen. Gamboa bilang OIC ng PNP.

Naging mahigpit siya sa lahat ng bagay, partikular sa kapwa pulis.

Matatandaang, sa pagpasok ng taong 2020, inianunsiyo ng Philippine National Police (PNP) ang bagong alituntunin para sa tamang timbang ng mga pulis. Pero ilang linggo mula nang ihayag ito, wala pa tayong nabalitaan tungkol sa pagpapatupad nito.

Samantala, ayon kay Gen. Gamboa, ipagpapatuloy niya ang kampanya kontra ilegal na droga ng kasalukuyang administrasyon, gayundin ang paglilinis sa hanay ng kapulisan. At isa sa mga nais trabahuhin ni Gen. Gamboa ay ang Chinese desk sa PNP. Kailangan na itong gawin dahil tumataas na ang insidente ng krimen na may kaugnayan sa mga pumapasok na Chinese sa bansa.

Kabilang ang illegal gambling tulad ng POGO, prostitusyon, kidnapping at iba pang kailangan ng matinding pagtututok at pagpuksa ng pulisya.

Kaugnay nito, ayon kay Gen. Gamboa, may mga taga-China na tutulong sa PNP para mas maintindihan ang kanilang kultura, pati na rin ang mga krimen na nagaganap na kinasasangkutan nila.

Ayon sa ulat, may ilang lugar ng prostitusyon ang sinalakay ng PNP kung saan ang mga babae ay hindi marunong mag-Ingles o mag-Tagalog kaya nakapagtataka kung paano sila nakapasok ng bansa. Paniguradong may malalaking pader o sindikato sa likod nito at ito ang kailangang tibagin ng kapulisan.

Gayunman, sa kabila nito, buo ang suporta natin sa mga mabuting gawain na nais ipatupad ni Gen. Gamboa sa PNP, paniguradong malaking trabaho ang kanyang kahaharapin bilang bagong PNP chief. Sa totoo lang, matagal nang hindi maganda ang imahe ng PNP sa mamamayan kaya hangga’t may pagkakataon ay gumawa sila ng paraan para mabago ito. Ang magandang pagbabago ay mag-uumpisa sa mabuting impluwensiya at halimbawa ng tao na nasa mataas na posisyon at ito ay si PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page