CSB Blazers, dinale ang Aguinaldo sa NC Volley
- VA
- Jan 24, 2020
- 1 min read

Nanumbalik na sa kanyang dating lakas sa paghataw si Klarisa Abriam nang pangunahan nito ang College of St. Benilde sa paggapi sa Emilio Aguinaldo College, 25-20, 25-21, 25-17, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Mula sa naitala niyang average na 6 na puntos sa una nilang tatlong laro, nagtala ng 16 puntos si Abriam kahapon upang pamunuan ang Lady Blazers sa ika-4 na sunod nitong tagumpay na nagluklok sa kanila ibabaw ng team standings.
Gayunman, team effort pa rin ang naging susi sa straight-sets win nila kontra Lady Generals.
“Gusto kasi ni coach (Jerry Yee) lahat nayu-utilize para din sa conditioning ng mga bata para hindi sila masyadong pagod. Especially this NCAA masyadong dikit ang mga games, nagta-thrice a week tapos short lang din ang season.
Hangga’t maaari ma-utilize lahat, wag ma-overuse ang mga bata,” wika ni assistant coach Charmaine Geronimo.
Ang kabiguan naman ang ikatlong sunod para sa Lady Generals na pinangunahan ni Krizzia Reyes na may 13 puntos.
Nauna rito, nanatili ring walang talo ang defending champion Arellano University matapos ang kanilang straight-set win laban sa Jose Rizal University, 25-19, 25-16, 25-17.





Comments