13 milyong pamilya, aminadong purdoy

Hindi bababa sa 13 milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap, ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong huling bahagi ng 2019.
Batay sa 4th Quarter 2019 survey ng SWS, 54 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila ay mahirap na tumaas kumpara sa naitalang 42% noong Setyembre ng nakaraang taon.
Kung pagbabatayan ang bawat rehiyon, pinakamataas ang Self-Rated Poverty (SRP) rate sa Visayas na 67%, 64% sa Mindanao, 47% sa Luzon at 41% sa Metro Manila.
Isinagawa ng SWS ang survey noong Disyembre 13 hanggang 16 ng nakaraang taon sa 1,200 indibidwal.
Ang Self-Rated Poverty Threshold (SRPT) ay batay sa minimum na badyet ng mahirap na pamilya na kailangan nitong magastos upang hindi masabing sila ay mahirap.
“The national median SRPT, the amount that the poorer half of the poor need for home expenses, was P12,000 in December 2019,” ayon sa SWS.





Comments