top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

12 tutulug-tulog at magnanakaw na gov‘t. employees, tinuluyan para ‘wag nang pamarisan

  • Ryan B. Sison
  • Jan 24, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kung may mga empleyado ng lokal na pamahalaan na wagas kung magsipag sa trabaho para makapagsilbi sa mga kababayan, siguradong meron ding petiks lang kahit sa oras ng trabaho.

Hindi na bago ang isyung nahuhuling natutulog sa duty, nakikipagtsismisan at pagbababad ng mga kawani ng gobyerno sa cellphone habang nasa trabaho.

Kaya naman kani-kanyang pagsisikap ang mga lokal na pamahalaan para malinis ang kanilang hanay at maubos ang mga pasaway at abusadong empleyado.

Kaugnay nito, sumailalim sa Disciplinary Separation Board ang 12 empleyado ng lokal na pamahalaan ng Laoag dahil nahaharap ang mga ito sa kasong administratibo.

Base sa impormasyon, naka-assign ang naturang mga empleyado sa Laoag General Hospital at Laoag City Public Market and Commercial Complex.

Inumpisahan na umano ang pagdinig sa kaso ng mga empleyado na nahaharap sa kasong administratibo, gayundin, layon nitong malinis ang ahensiya ng gobyerno laban sa korupsiyon at iba pang paglabag sa batas.

Ilan sa mga empleyado ay natutulog sa oras ng trabaho at ang iba ay nagnanakaw sa kanilang departamento.

Samantala, ikinatuwa naman ito ng ilang residente dahil anila, matagal na itong isyu sa lungsod, pero ngayon lang nabigyang-pansin.

Noon pa man, problema na ito sa mga lokal na pamahalaan dahil sa halip na mapagsilbihan ang mga kababayan, tumatagal lang ang serbisyo.

Hindi lang ang partikular na isyu sa naturang lungsod ang tinutukoy natin dahil marami ring ganitong insidente sa mga opisina ng gobyerno sa iba pang mga lungsod.

Panawagan natin sa mga kinauukulan, palaging silipin ang performance ng inyong mga empleyado at panagutin kung kinakailangan dahil kung hahayaan lang, tiyak na sila ay tutularan.

Huwag n’yo nang hintayin na dumami pa ang mga pasaway at abusadong empleyado bago n’yo ito gawin dahil taumbayan din ang kawawa pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page