Pramis, sa 2022 — DPWH.. Wala nang trapik

“Tatapusin talaga namin ang traffic sa term ni President.”
Ito ang tiniyak ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa sandaling matapos ang “Build, Build, Build” program sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kaya ang sinasabi ko po ngayon, may plano kami sa road network para lumuwag, para ma-decongest iyong EDSA, pero meron din kaming long term plan for the — which is the railway, iyong subway, iyong PNR, iyong LRT, iyong MRT and makikita n’yo po sabay-sabay po iyong construction. And this was with the purpose that by the end of the term of the President, matatapos po lahat,” ani Villar sa press briefing sa Malacañang.
Kaugnay nito, malapit na umanong matupad ang ipinangako ng Punong Ehekutibo na limang minutong biyahe mula Cubao sa Quezon City patungong Makati City.
Ayon kay Villar, matutupad ang ipinangako ni Pangulong Duterte sa sandaling makumpleto na ang Metro Manila Skyway Stage 3, na inaasahang mula sa dalawang oras na biyahe mula sa Buendia, Makati City patungong Balintawak, Quezon City ay magiging 15 hanggang 20 minuto na lamang.
Nabatid na kabilang ang Metro Manila Skyway Stage 3 sa 23 proyekto na nasa ilalim ng P384-billion EDSA Decongestion Program na inaasahang matatapos sa Abril o Mayo ng taong kasalukuyan.
Sa kasalukuyan, umaabot ng 45 minuto o hanggang isang oras ang biyahe mula sa Cubao patungong Makati dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
Ikinatwiran ng kalihim na hindi naman umano sinabi ng pangulo na ang five-minute travel mula sa Cubao-Makati sa pamamagitan ng EDSA.
“Well point to point ang pinag-uusapan natin, ‘di ba Makati to Quezon City. So if you are asking me kung kaya iyan, yes kaya 5 minutes from Makati to Quezon City,” ani Villar.
“Hindi naman niya sinabi na through EDSA. The President just said Makati to Cubao, five minutes,” sabi pa ng kalihim.
Gayunman, inamin ni Villar na posible rin ang limang minutong travel time mula Cubao hanggang Makati sa EDSA dahil inaasahang mababawasan ng 100,000 sasakyan ang mawawala sa naturang 23-km highway kapag natapos na ang Metro Manila Skyway Stage 3.
Sa kasalukuyan, aniya, nasa 400,000 sasakyan ang bumibiyahe sa EDSA kada araw.
“Puwede ring EDSA, puwede ring skyway. Because you remember, hindi naman lahat ng — may mga tao na willing magbayad, di ba, meron namang siyempre may konting toll,” saad pa ng opisyal.
“But at the same time, ‘pag nagkaroon ng 100,000 a day sa skyway, luluwag din ang EDSA. So, maaari po magiging — siyempre hindi ko naman ma-predict exactly kung ano ang mangyayari. But ang importante lang iyong 5 minutes, eh, kung iyong 15 minutes from Makati to NLEX kaya, eh, definitely iyong 5 minutes kayang-kaya din iyan,” dagdag pa ng kalihim.





Comments