FEU-Diliman, nakatiyak ng playoffs vs. Red Warriors

Photo: UAAP
Naisiguro ng Far Eastern University-Diliman ang isang slot sa playoffs pagkaraang pataubin ang University of the East, 70-46, kahapon sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.Ang panalo ang ika-9 na sunod para sa Baby Tamaraws kasunod ng kabiguan nila sa kanilang unang laban. Nag-iisang tumapos na may double digit para sa Baby Tams si Patrick Sleat na tumapos na may 10 puntos. Sinundan siya nina Chiolo Anonuevo, Aeron Bagunu at Royce Mantua na may tig-9 na puntos.
Dahil sa panalo, tumatag sila sa ikalawang puwesto at humanay sa undefeated at kasalukuyang namumunong National University (9-0) bilang mga unang koponang sumalta ng playoff round. Nauna rito, nanatili naman sa ika-4 na puwesto ang last season runner-up Ateneo de Manila pagkaraang padapain ang University of the Philippines Integrated School, 104-84.Buhat sa dikdikang laban sa first half na natapos sa iskor na 48-44, angat ang Blue Eaglets, tuluyan silang lumayo sa second half upang makamit ang ikalimang panalo sa loob ng sampung laro.
Umiskor si Josh Lazaro ng 26 puntos kasunod si Joaquin Jaymalin na may 15 puntos upang pangunahan ang nasabing panalo. Tumapos ding may double digit kasama ng dalawa para sa Blue Eaglets sina Francis Lopez na may 13 puntos at magkapatid na Miggy at Gabby Salvador na may tig-11 puntos. Pinamunuan naman ang Junior Maroons na nanatiling winless matapos ang sampung laban ni Ray Torres na may game-high 26 puntos. Sa ikatlong laban, pinalakas ng UST ang tsansa nilang makausad ng Final 4 round makaraang ungusan ang Adamson, 88-80. Nagtala si John Bismarck Lina ng 24 puntos kasunod si Jacob Cortez na may 19 puntos upang pamunuan ang Tiger Cubs sa pag-angkin ng ika-6 nilang panalo sa loob ng 10 laro





Comments