Empleyadong feeling-amo at nambu-bully, bilang na ang araw n‘yo!
- Ryan B. Sison
- Jan 23, 2020
- 2 min read

Pagpapakalat ng maling impormasyon o tsismis, pagbibigay ng bansag o tawag at pananakot sa kapwa empleyado, ilan lamang ito sa mga uri ng pambu-bully sa trabaho.
Bukod pa rito, maituturing din na pambu-bully ang pandededma ng mga nakatataas sa taong dapat pakinggan, gayundin ang pamimili ng empleyadong kakampihan.
Kaugnay nito, isinusulong sa Kamara ang pagkakaroon ng malinaw na polisiya sa mga opisina ng gobyerno, pribadong sektor at iba pang establisimyento kontra bullying.
Ito ay dahil hindi lang umano sa eskuwelahan nangyayari ang pambu-bully dahil meron din nito sa trabaho.
Kasalukuyang para sa mga educational institution lang ang umiiral na Republic Act of 10627 o Anti-Bullying Act. Gayundin, kadalasan umanong binabalewala ng mga employer ang insidente ng bullying sa work place.
Sa ilalim ng House Bill No. 85 o Anti-Office Bullying Act, may itatalagang administrative officer sa bawat lugar ng trabaho na magbabantay kung nasusunod ang anti-bullying policies at ang pagrerekomenda ng parusa sa lalabag.
Marami nang nasirang pagkakaibigan, nawalang trabaho at tiwala dahil sa pambu-bully kaya dapat lang na bigyang-pansin ito ng kinauukulan sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksiyon sa bawat empleyado.
Kung hindi matutuldukan ang bullying sa trabaho, hindi lang personal na alitan ang magiging resulta nito dahil maaari rin nitong maapektuhan ang sistema ng trabaho.
Samantala, para sa mga umaastang boss d’yan, hinay-hinay lang sa mga ikinikilos at ‘wag kalimutang respetuhin ang kapwa empleyado dahil kung hindi, may kalalagyan din kayo!
Pare-pareho tayong kumakayod para sa ating mga pangangailangan at pamilya kaya tama na ang pambu-bully at gampanan ang mga trabahong dapat nating gawin.
Ang workplace ay maituturing nating ikalawang tahanan kaya sana, ituring nating pamilya ang bawat isa kesa makipag-away dahil wala itong mabuting maidudulot.
Sa mga nabu-bully naman, ‘wag kayong matakot na tumayo at lumaban dahil karapatan n’yo ‘yun.
Alam natin na maraming negatibong epekto ang workplace bullying at kabilang na rito ang performance sa trabaho at estado ng mental at emotional health kaya panahon na para turuan ng leksiyon ang mga bully para hindi tularan at mambiktima pa ng iba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments