Bagong panganak na namaga ang paa nang mahigit isang linggo, delikado
- Shane Ludovice
- Jan 23, 2020
- 1 min read

Dear Doc. Shane, Limang araw na ang nakalilipas mula nang manganak ako sa aking panganay pero ang nakapagtataka ay namamaga pa rin ang aking mga paa kaya sobrang hirap ako sa paglalakad. Kailan kaya ito mawawala at normal lang ba ito? — Josie
Sagot Sa katunayan, ang pamamaga o ang pamamanas ay kusang mawawala habang pinakakawalan ng katawan ang sobrang tubig na naipon sa loob ng huling mga buwan ng pagbubuntis. Ang mga bato o kidney ang responsable sa ganitong uri ng paglilinis kung saan mapapansin ng bagong panganak na mas madalas siyang umiihi kumpara sa normal o nakasanayan nito. Gayundin, ang balat ay maglalabas ng tubig sa pamamagitan ng pagpapawis nang mas marami kumpara sa normal.

Gayunman, ang pamamanas o pamamaga ng mga paa ilang araw matapos manganak ay hindi seryosong problema. Ito ay kusang nawawala pagdaan ng ilang araw. Subalit, kung ang pamamaga ay hindi mawala sa loob ng isang linggo o may kasamang matinding pagsakit ng ulo o sakit ng mga paa, makabubuti kung magpapakonsulta agad sa doktor o sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar dahil ito ay posibleng palatandaan ng mataas na presyon ng dugo, deep vein thrombosis o pagbabara ng mga ugat at iba pa.




Comments