Senado gising, Department of Disaster Resilience, ipasa agad!
Sa State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipasa ang panukalang-batas na magtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Naipasa naman ito sa House of Representatives (Kongreso) noong Nobyembre pero tila naipit naman sa Senado.
Sa panukalang-batas, magtatayo ng departamento ang gobyerno na maaatasang maghanda para sa pagtama ng mga natural disaster tulad ng bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan.
Gayundin, ito ang responsable sa pagsaklolo sa mga biktima o mamamahala sa kapakanan ng mga bakwit.
Samantala, ang mamumuno nito ay isang miyembro mula sa gabinete at magkakaroon ng mga undersecretary at assistant secretary. At magkakaroon din ito ng P10 bilyon bilang paunang pondo.
Sa ating palagay, makatwiran ang ganitong panukala dahil kabilang tayo sa mga bansa na nasa ‘Ring of Fire’ — ang mga lugar na madalas maapektuhan ng bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan.
Sa kasalukuyan, ang sagot sa ganitong sitwasyon ay ang batas na naipasa noong 2010, ang pagtatayo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa totoo lang, komite lang ito na may 40 miyembro, kasama na ang mga nasa iba’t ibang departamento.
Kumbaga, mahina ang awtoridad at pondo para makapag-implementa ng mga paghahanda sa sakuna at pagsaklolo sa mga tinamaan nito.
Hindi lang ‘yan, ang NDRRMC ay pinatatakbo lang ng Office of Civil Defense, maliit na opisina ng Department of National Defense (DND), na ang pinakaimportanteng katungkulan ay palakasin ang ating militar at kalabanin ang mga komunista sa kanilang pag-aaklas.
Sa dami at hirap ng trabaho ng kalihim nito, malamang wala na siyang panahon para sa NDRRMC.
Hindi lang pagsaklolo ang katungkulan ng bagong DDT dahil sila ang magpaplano at magsasakatuparan ng mga programa para mayroong matinong evacuation centers ang mga kababayan nating biktima ng kalamidad.
Isa pa sa mga kakulangan ng NDRRMC, hindi nito sakop ang dalawang ahensiya na siyang nagsasabi o nagtatantiya kung mayroong kalamidad na darating sa bansa — ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nagbabantay sa mga paparating na bagyo at ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagmo-monitor naman sa kalagayan ng mga bulkan.
Malaking tulong sa mamamayan ang kahandaan ng gobyerno sa mga kalamidad na natural na dumarating sa ating bansa. Responsibilidad ng mga opisyal nito na pag-isipan, pag-aralan at trabahuhin ang ganitong mga panukala.
Ngayong nalaman natin ang posibleng maidudulot ng panukalang itatag ang DDR, kinakalampag natin ang Senado para bigyang-pansin ito. Sa sunud-sunod na pagpasok ng mga kalamidad sa bansa, walang tamang oras para ipasa ito kundi sa lalong madaling panahon.





Comments