Pekeng solicitation sa socmed para sa mga nasalanta ng bulkang Taal

Dalawang senador ang nanawagan sa NBI-Anti Cybercrime Division na tugisin ang mga nasa likod ng modus na mga pekeng solicitation drive para raw sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon sa biktimang senador (hindi na natin pinangalanan), kanyang hihilingin sa Anti-Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na kilalanin ang mga nasa likod ng mga pekeng social media account na nagso-solicit ng donasyon para sa mga biktima kuno ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal gamit ang kanyang pangalan.
Hinikayat din nito ang NBI na arestuhin at kasuhan ang mga suspek sa ganitong modus. Kung nagagawa ng mga demonyong suspek ito sa mga mambabatas, paano pa kaya sa pangkaraniwang mamamayan?
Nagbabala ang isa pang senador na biktima rin ng ganitong raket na ‘wag basta pumapatol sa mga kumakalat na maling impormasyon online ngayong panahon ng kalamidad, gayundin ang mga pekeng solicitation, dahil sa ganitong malaking trahedya ay meron talagang mga siraulong tao na inaabuso ang sitwasyon at nagpapakalat ng fake news na nasa Alert Level 5 na raw ang Bulkang Taal kaya kailangan ng donasyon para sa mga biktima.
Sa mga ka-BULGAR natin d’yan, mag-ingat dahil mismong mga iginagalang na nating mambabatas ang binibiktima ng mga balasubas na ito na imbes makatulong ay perhuwisyo pa ang ibinibigay sa kapwa.
Ikaw kaibigan, ano’ng sey mo?
Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments