Manila stars, nangwasak ng marka: Bacoor at Cebu, malakas sa MPBL

Photo: Maharlika Pilipinas Basketball League
Bumasag ng ilang records ang Manila Stars nang pasukuin ang Mindoro Tamaraws, 133-101 noong Lunes ng gabi sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season sa Strike Gymnasium sa Bacoor, Cavite. Pumoste ng double digits ang anim na players, nilampasan ng Frontrow-backed Stars ang pinakamataas na markang 125 ng Navotas-Unipak Sardines at bumura pa ng ibang marka.
Sa pananalasa nila sa boards, umiskor ang Stars ng 94 at nilampasan ang 90 na itinarak ng Zamboanga, nakagawa ng 55 sa fast break at burahin ang 36 ng Zamboanga at makapagtala ng 39 points sa 4th quarter, ang bagong MPBL standard.
Ang Stars, na tumiyak ng top four finish sa North division elimination round, sa hawak na 23-win, 5-loss slate, ay nagpakita ng kanilang tikas sa bisa ng 42 assists at higitan ang 38 puntos ng Zamboanga. Naghahanda rin ang Stars sa kanilang paglisan sa Lakan Season at sasampa sila sa PBA.
Samantala, nanalasa sa sariling balwarte ang Bacoor, at nanatiling malakas para sa playoffs ang Cebu.
Pumoste pareho ng panalo ang Bacoor Strikers at Manila at tumiyak na sila sa top 4 ng elimination round sa larong idinaos sa Strike Gym sa Bacoor.
Tatlong players ang nagsumite ng double-doubles, ginapi ng Strikers ang General Santos Warriors, 87-75. Namayani si Michael Mabulac sa Strikers ay may 17 points at 10 rebounds, kasunod ni Michael Canete sa 11 points at 10 rebounds, habang si MVP contender Gab Banal ay may 10 points, 11 assists at 7 rebounds.
Lagpak ang GenSan sa 16-9 sa kabila ng pagbabalik ni Fil-Am standout Mike Williams mula U.S. Nakapagbasket si Williams ng 17 points, 7 assists at 4 rebounds para sa Warriors na nagpakabog pa para sa 60-61 at nakahabol sa 14-2 salvo sa tikas nina Mabulac, Ramirez at Oping Sumalinog para sa Bacoor.
Samantala, lagpak naman sa kartadang 9-18 ang Mindoro. Tinalo ng Cebu ang Nueva Ecija Rice Vanguards, 77-73 sa second game para sa playoff drive ng South. May laro kagabi ang MPBL sa Alonte Sports Arena kung saan maghaharap ang Sarangani vs. Bicol ng 4:15 p.m. Habang ang Imus ay laban sa Marikina ng 6:30 p.m. habang ang Pasig kontra Biñan ng 8:30 p.m.





Comments