top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Lagnat, ubo, sore throat ang mga sintomas.. Coronavirus nasa ‘Pinas na

Madel Moratillo
Jan 22, 2020
2 min read

Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na may isang kaso na sila ng posibleng 2019 novel coronavirus o 2019 nCov na iniimbestigahan ngayon.

Ito ay ang 5-anyos na batang Chinese mula sa Wuhan, China na dumating sa Cebu noong Enero 2.

Mag-aaral umano sana ito sa Cebu City ng wikang Ingles kaya nagtungo sa bansa.

Bago pa man dumating sa bansa, may lagnat, throat irritation at ubo na umano ang bata kaya naman ilang oras palang mula nang dumating ito sa bansa ay dinala na agad ito sa ospital sa Cebu City.

Nasuri na ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang throat sample ng pasyente kung saan nagnegatibo ito sa MersCov o Sars.

Gayunman, ayon kay Duque, nagpositibo ito sa non-specific pancorona virus kaya ipinadala na rin sa laboratoryo sa Australia ang sample ng pasyente para matukoy kung anong coronavirus strain ito.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ng DOH na may tatlong indibidwal silang nakitaan ng flu like symptoms nang dumating sa Kalibo International Airport mula sa China.

Gayunman, dahil wala namang history ng biyahe sa Wuhan ang mga ito at maayos na rin ang pakiramdam ay na-discharged na sila sa ospital. Bagama’t, ipinadala na rin sa RITM ang throat sample ng mga ito para makasiguro.

Ilan sa mga sintomas ng coronavirus infection ayon kay Duque ay respiratory symptoms, lagnat, ubo, hirap at pangangapos ng hininga at kung lalala ay maaaring mauwi sa pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure o kamatayan.

Sa ngayon, may 222 kaso ng 2019 nCov na ang naitala sa China, mayorya sa mga ito ay mula sa Wuhan, habang ang iba ay sa Beijing at Shenzen.

May mga kumpirmado na ring kaso nito sa Thailand, Japan at South Korea. Pinag-iingat din ng DOH ang publiko dahil may mga naiulat na ring human-to-human transmission ng virus.

Payo naman ng World Health Organization, huwag agad mag-panic dahil wala pa namang resulta ng mga pag-aaral na nakamamatay ang virus na ito. Paliwanag ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, Country Representative ng WHO na bagamat, apat na ang nasawi sa mga kumpirmadong kaso ng virus, ang tatlo rito ay mayroong ibang karamdaman.

Masyado pa aniyang maaga para sabihin na nakamamatay ang sakit.

Mahigpit din ang paalala ng DOH sa publiko hinggil sa tamang hygiene.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page