top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Healing oil na mura nga, delikado naman, ipinagbabawal

  • Ryan B. Sison
  • Jan 22, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Maraming lumalabas na iba’t ibang sakit sa panahon ngayon. Mayroong nakukuha sa hangin, tubig at usok dahil sa polusyon.

Kaya tuloy ang mga tao ay patuloy na naghahanap ng mas murang gamot at alternatibong paraan para gumaling sa kanilang karamdaman.

Bukod sa home remedies, kumakalat din ang sari-saring healing medicine o healing oil na nabibili kung saan-saan.

Kaugnay nito, nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko tungkol sa paggamit ng El Shaddai Menthol Healing Oil at El Shaddai Sampaguita Olive Oil na hindi pa nasubok, hindi rehistrado at hindi dumaan sa tamang proseso kung saan kinakailangan ng pahintulot mula sa ahensiya at walang Certificate of Product Registration.

Ayon pa sa FDA, ang ganitong klase ng produkto ay may dalang panganib at pinsala sa taong gagamit.

Alinsunod sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, ang paggawa, importasyon, eksportasyon, pagbebenta, distribusyon, paglilipat, promotion, advertising o sponsorship ng anumang health products na walang pahintulot ng FDA ay ipinagbabawal.

Bukod pa rito, ang sinumang kumpanyang magbebenta o magpapakalat ng mga gamot na walang ipinakitang sertipikasyon mula sa ahensiya ay may karampatang parusa.

Samantala, marami namang naniniwala na epektibong panggamot ang mga healing oil dahil sa kanilang mga paniniwala, pero may ilan naman na rito na lang umaasa para makahanap ng lunas sa murang halaga.

Naiintindihan nating hindi talaga kayang magpagamot ng iba kaya umaasa sa mga ganitong produkto, pero sana ay mag-isip tayong mabuti kung talaga bang makabubuti ito sa atin o makasasama pa.

Kapag kalusugan ang pinag-uusapan, maging mapanuri tayo sa mga ginagamit natin, lalo na sa mga gamot na iniinom o ipinapahid.

Paalala natin sa publiko, ‘wag basta gumamit ng ganitong mga produkto dahil mas mabuti pa ring makinig sa mga eksperto kapag kalusugan ang nakataya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page