top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

FDA, wa’ silbi, pekeng produktong nakama-matay, nagkalat pa rin

Bong Revilla
Jan 22, 2020
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Nakakagulat ang sobrang lakas ng loob ng ilan sa ating mga kababayan na hindi alintana kung nakamamatay ang produkto dahil hindi sila natatakot subukan basta maganda ang hitsura.

Ito ang sinasamantala ng ilang tiwaling negosyante na walang pakialam kahit hindi ligtas ang kanilang paninda basta kumita lamang at nagkalat ang kung anu-anong peke at hindi ligtas na mga paninda.

Kamakailan, isang senior citizen ang nasawi sa isang motel matapos uminom ng sex pills na hindi maintindihan ng mga imbestigador ang pangalan dahil sa ‘sulat-Intsik’.

Marami ang mga ganitong produkto na naglipana sa kahabaan ng Avenida kasama na ang iba’t ibang sex toys na lantarang ibinebenta sa bangketa sa murang halaga.

Ang masaklap sa mga produktong ito, hindi maintindihan ang instruction kung meron man dahil umaasa lamang sa boladas ng nagtitinda ang mga mamimili at kapag mahusay ang nagpapaliwanag ay madali itong makakakumbinse.

Ganito rin ang nangyari sa daan-daang residente ng Rizal at Laguna na nalason sa lambanog na ikinasawi ng 15 katao na umasang ligtas ang nabili nilang alak pero nakamamatay pala.

Ang insidente ng pagkalason sa lambanog ay hindi lang dalawa o tatlong ulit nang nangyayari, ngunit palaging may nabibiktima pa rin dahil may backyard manufacturer ng lambanog na nakakatsamba at hindi nakamamatay ang produkto.

Ang pamunuan ng Food and Drugs Administration (FDA) ay nanawagan na sa local government units (LGUs) na huwag pagkalooban ng business permits ang mga manufacturers ng pagkain at inumin na walang license-to-operate mula sa kanilang ahensiya.

Makabubuti ito dahil ang layunin ng FDA ay matiyak na tanging rehistradong pagkain at inumin lamang ang maipagbibili sa merkado upang mabigyan ng tamang proteksiyon ang mamimili.

Pero hindi na yata maganda ang ganitong panawagan sa tuwing nagkakaroon ng mga iskandalo o kontrobersiya dahil lumalabas na tila pansamantalang solusyon lamang ang ganitong mga panawagan.

Kailangang magpakita ng ngipin ang FDA o kung hindi nila kaya ay makipag-ugnayan sila sa ibang ahensiya ng pamahalaan na makatutulong para masugpo ang problemang ito dahil may namamatay na.

Sa ganitong sitwasyon, makabubuting tayo na mismo ang mag-ingat, huwag tayong basta maniniwala sa boladas ng nagtitinda dahil hindi tayo sigurado kung totoo ang kanilang sinasabi.

Makabubuting sa doktor talaga dapat nagtatanong ng mga bagay-bagay na may kaugnayan sa ating katawan dahil hindi puwedeng iasa sa tsamba ang ating buhay.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page